Ezekiel 18:3-18 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

3. “Ako ang buháy na Diyos,” sabi pa ni Yahweh, “hindi ninyo magagamit ngayon ang kasabihang ito sa Israel.

4. Akin ang buhay ng lahat ng tao, maging sa ama o sa anak, at ang kaluluwang magkasala ay mamamatay.

5. “Halimbawa na may isang taong masunurin sa Kautusan, tapat at lumalakad sa katuwiran.

6. Hindi siya nakikisalo sa handog na inihain sa mga sagradong burol, hindi sumasamba sa mga diyus-diyosan ng Israel. Hindi siya nangangalunya ni sumisiping sa babaing kasalukuyang nireregla.

7. Hindi siya nandadaya ng kapwa o nagnanakaw. Ibinabalik niya agad sa may-ari ang sangla ng nangungutang sa kanya. Marunong siyang tumulong sa nangangailangan.

8. Hindi siya nagpapatubo sa pagpapahiram ng pera. Siya ay makatarungan.

9. Sinusunod niya ang aking mga utos at mga tuntunin. Ang ganitong tao ay matuwid at mabubuhay siya.

10. “Sakaling magkaanak siya ng magnanakaw, mamamatay-tao at hindi sumunod sa alinman sa mga tuntuning ito,

11. bagkus ay nakikisalo sa mga handaan sa mga sagradong burol, sumisiping sa asawa ng iba,

12. nang-aapi ng mahihirap, nagnanakaw, hindi marunong magbayad ng utang, sumasamba sa diyus-diyosan, gumagawa ng mga kasuklam-suklam na gawain,

13. at nagpapatubo. Palagay ba ninyo'y mabubuhay ang anak na ito? Hindi! Tiyak na mamamatay siya dahil sa mga kasuklam-suklam niyang gawain. Kung magkagayon, walang ibang dapat sisihin kundi siya.

14. “Halimbawa namang siya ay may anak. Nasaksihan ng anak na ito ang kasamaan ng kanyang ama, ngunit hindi niya ito pinarisan.

15. Hindi siya nakisalo sa mga handaan sa sagradong burol, hindi sumamba sa mga diyus-diyosan, hindi sumiping sa asawa ng iba.

16. Hindi rin siya gumawa ng masama kaninuman, hindi nanamsam ng sangla, at hindi nagnakaw. Siya ay matulungin sa nangangailangan,

17. lumalayo sa kasamaan, hindi nagpapatubo sa pautang, sumusunod sa aking Kautusan at lumalakad ayon sa aking mga tuntunin. Mabubuhay ang anak na iyon. Hindi siya mamamatay dahil sa kasamaan ng kanyang ama.

18. Ang kanyang ama ay mamamatay sapagkat nagnakaw at gumawa ng masama sa kanyang kapwa.

Ezekiel 18