Exodo 26:14-31 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

14. Ito ay lalagyan pa ng dalawang patong ng pulang balat: ang ilalim ay balat ng tupang lalaki at ang ibabaw ay balat na mainam.

15. “Ang tabernakulo'y igawa mo ng mga patayong haligi na gawa sa akasya;

16. bawat haligi ay 4 na metro ang haba at 0.7 metro naman ang lapad.

17. Bawat haligi ay lagyan mo ng tigalawang mitsa para sa pagdurugtong.

18. Sa gawing timog, dalawampung haligi ang ilagay mo

19. at ikabit sa apatnapung patungang pilak, dalawang patungan sa bawat haligi.

20. Dalawampung haligi rin ang gawin mo para sa gawing hilaga

21. at apatnapung patungan, dalawa rin sa bawat haligi.

22. Sa likod naman, sa gawing kanluran ay anim na haligi ang ilagay mo

23. at dalawa para sa mga sulok.

24. Ang mga haliging panulok ay pagkabitin mo mula sa ibaba hanggang sa may argolya sa itaas.

25. Kaya, walong lahat ang haligi sa likuran at labing-anim naman ang patungan.

26. “Gagawa ka rin ng pahalang na haligi na yari sa akasya, lima sa isang tabi,

27. lima sa kabila, at lima sa likod, sa gawing kanluran.

28. Ang mga pahalang na haliging panggitna ay abot sa magkabilang dulo ng dingding.

29. Ang mga patayong haligi ay balutin mo ng ginto at kabitan ng mga argolyang ginto na pagsusuutan ng mga pahalang na haligi na binalot din ng ginto.

30. Gawin mo ang tabernakulo ayon sa planong ipinakita ko sa iyo sa bundok.

31. “Gumawa ka ng kurtinang yari sa puting lino at lanang asul, kulay ube at kulay pula. Burdahan mo ito ng larawan ng kerubin.

Exodo 26