8. Sa gabi ring iyon, lilitsunin ito at kakaining kasama ng tinapay na walang pampaalsa at ng mapapait na gulay.
9. Huwag ninyong kakainin nang hilaw o nilaga ang hayop; kundi lilitsunin ninyo ito nang buo, kasama ang ulo, ang mga pata at ang laman-loob.
10. Huwag kayong magtitira para sa kinabukasan. Kung may matira, kailangang sunugin kinaumagahan.
11. Kapag kakainin na ninyo ito, dapat nakabihis na kayo, nakasandalyas at may hawak na tungkod. Magmadali kayo sa pagkain nito. Ito ang Paskwa ni Yahweh.
12. “Sa gabing iyon, lilibutin ko ang buong Egipto at papatayin ang lahat ng panganay na lalaki, maging tao man o hayop. At paparusahan ko ang lahat ng diyus-diyosan sa Egipto. Ako si Yahweh.
13. Dugo ang magsisilbing palatandaan ng mga bahay na inyong tinitirhan. Lahat ng bahay na makita kong may pahid ng dugo ay lalampasan ko, at walang pinsalang mangyayari sa inyo habang pinaparusahan ko ang buong Egipto.
14. Ang araw na ito'y ipagdiriwang ninyo sa lahat ng inyong salinlahi bilang pista ni Yahweh. Sa pamamagitan nito'y maaalala ninyo ang aking ginawa.
15. “Pitong araw kayong kakain ng tinapay na walang pampaalsa. Sa unang araw pa lamang, aalisin ninyo sa inyong tahanan ang lahat ng pampaalsa, sapagkat ititiwalag ang sinumang kumain ng tinapay na may pampaalsa sa loob ng pitong araw na iyon.
16. Sa una at ikapitong araw ay magtitipun-tipon kayo upang sumamba. Sa loob ng dalawang araw na ito ay walang gagawa ng anuman liban sa paghahanda ng pagkain.
17. Ang pagdiriwang ng Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa ay gaganapin ninyo taun-taon sapagkat sa araw na ito, inilabas ko sa Egipto ang inyong mga lipi. Ito'y gagawin ninyo sa habang panahon ng inyong mga salinlahi.
18. Tinapay na walang pampaalsa ang inyong kakainin simula sa gabi ng ikalabing apat na araw hanggang sa gabi ng ikadalawampu't isa ng unang buwan ng taon.
19. Sa loob ng pitong araw, hindi dapat magkaroon ng pampaalsa sa inyong mga bahay. Ititiwalag sa sambayanan ng Israel ang sinumang kumain ng tinapay na may pampaalsa, maging siya'y dayuhan o purong Israelita.
20. Saanman kayo naroroon, huwag kayong kakain ng tinapay na may pampaalsa tuwing ganitong panahon. Ang kakainin ninyo'y tinapay na walang pampaalsa.”
21. Tinawag nga ni Moises ang mga pinuno ng Israel at sinabi sa kanila, “Pumili kayo ng isang tupa para sa inyong sari-sariling pamilya at katayin ninyo ito para sa Paskwa.
22. Kumuha kayo ng sanga ng halamang hisopo, basain ito ng dugo ng tupa at ipahid sa magkabilang poste at itaas ng inyong pintuan. At isa man sa inyo ay huwag lalabas ng bahay hanggang kinabukasan.