Daniel 7:1-12 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

1. Noong unang taon ni Belsazar bilang hari ng Babilonia, si Daniel ay nagkaroon ng pangitain sa kanyang panaginip. Isinulat ito ni Daniel.

2. Isang gabi nakita ko na kabi-kabila ay binabayo ng malakas na hangin ang malaking dagat.

3. Mula sa dagat ay may umahong apat na iba't ibang halimaw.

4. Ang una ay parang leon, ngunit may mga pakpak ng agila; habang ako'y nakatingin, nabunot ang mga pakpak nito. Umangat ito sa lupa at tumayong parang tao. Binigyan ito ng isip ng tao.

5. Ang ikalawa naman ay parang oso. Ang dalawang paa lamang nito sa huli ang inilalakad at may kagat pang tatlong tadyang. May tinig na nag-utos dito, “Sige, magpakasawa ka sa karne.”

6. Ang ikatlo ay kahawig ng leopardo. Ito'y may apat na pakpak sa likod tulad ng sa ibon, apat din ang ulo, at binigyan ito ng kapangyarihan.

7. Pagkaraan, nakita ko ang ikaapat na halimaw. Nakakatakot ito at napakalakas. Bakal ang ngipin nito at niluluray ang anumang makagat at tinatapakan ang matira doon. Kakaiba ito sa tatlong nauna sapagkat ito'y may sampung sungay.

8. Pinagmasdan kong mabuti ang mga sungay at nakita kong may tumutubo pang isa. Ang tatlong sungay ay nabunot upang magkaroon ng puwang ang sungay na tumutubo. Ang sungay na ito ay may mga mata na tulad sa tao at may bibig na nagsasalita ng sobrang kayabangan.

9. Habang ako'y nakatingin, mayroong naglagay ng mga trono. Naupo sa isa sa mga ito ang Nabubuhay Magpakailanpaman. Puting-puti ang kanyang kasuotan at gayundin ang kanyang buhok. Ang trono niya'y naglalagablab at ang mga gulong nito'y nagliliyab.

10. Parang bukal ang apoy na dumadaloy mula sa kanya. Pinaglilingkuran siya ng milyun-milyon, bukod pa sa daan-daang milyon na nakatayo sa harap niya. Humanda na siya sa paggagawad ng hatol at binuksan ang mga aklat.

11. Dahil sa sobrang kayabangang sinasabi ng sungay, muli akong tumingin at nakitang pinatay ang ikaapat na hayop at inihagis ito sa apoy.

12. Ang iba namang halimaw ay inalisan ng kapangyarihan ngunit binigyan pa ng panahong mabuhay.

Daniel 7