Daniel 4:20-37 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

20. Ang lumaking punongkahoy na nakita ninyo sa panaginip, tumaas hanggang langit at kitang-kita ng buong daigdig,

21. may makapal na dahon at maraming bungang makakain ng lahat, sinisilungan ng mga hayop at pinamumugaran ng mga ibon,

22. ay kayo po. Kayo ang lumakas at lumaking puno na abot sa langit na ang nasasakop ay hanggang sa magkabilang panig ng daigdig.

23. Ang bantay na inyong nakita ay isang anghel mula sa langit. Sinabi niyang ibubuwal ang punongkahoy at sisirain ngunit iiwan ang tuod nito at lalagyan ng tanikalang bakal at tanso. Sinabi pa niyang ito'y pababayaang mabasa ng hamog, at makakasama siya ng mga hayop sa parang at paparusahan sa loob ng pitong taon.

24. Ito po ang kahulugan, mahal na hari: Iyon ang hatol sa inyo ng Kataas-taasang Diyos.

25. Itataboy kayo sa parang at doon kayo maninirahang kasama ng mga hayop. Kakain kayo ng damo, tulad ng baka. Sa kaparangan kayo maninirahan at pitong taóng paparusahan hanggang sa kilalanin ninyong ang kaharian ng tao'y nasa ilalim ng kapangyarihan ng Kataas-taasang Diyos, at maibibigay niya ang kahariang ito sa sinumang kanyang naisin.

26. Ganito naman ang kahulugan ng tuod na naiwan sa lupa: Maghahari kayong muli sa sandaling kilalanin ninyo na lahat ng tao'y nasa ilalim ng kapangyarihan ng Diyos.

27. Kaya, mahal na hari, dinggin po ninyo itong ipapayo ko. Tigilan na ninyo ang inyong kasamaan at magpakabuti na kayo. Huwag po kayong maging malupit sa mahihirap na mamamayan upang manatiling payapa ang inyong buhay.”

28. Lahat ng ito'y naganap sa buhay ni Haring Nebucadnezar.

29. Lumipas ang labindalawang buwan mula nang ipaliwanag ni Daniel ang panaginip. Minsan, namamasyal ang hari sa hardin sa bubong ng kanyang palasyo sa Babilonia.

30. Sinabi niya, “Talagang dakila na ang Babilonia. Ako ang nagtatag nito upang maging pangunahing lunsod at maging sagisag ng aking karangalan at kapangyarihan.”

31. Hindi pa siya natatapos sa pagsasalita nang isang tinig mula sa langit ang nagsabi, “Haring Nebucadnezar, pakinggan mo ito: Aalisin na sa iyo ang kaharian.

32. Ipagtatabuyan ka sa parang at doon maninirahan kasama ng mga hayop. Kakain ka ng damo tulad ng baka. Pitong taon kang mananatili sa gayong kalagayan hanggang sa kilalanin mong nasa ilalim ng kapangyarihan ng Kataas-taasang Diyos ang kaharian ng mga tao, at maaari niyang ibigay ito kaninuman niyang naisin.”

33. Nangyari agad kay Nebucadnezar ang sinabi ng tinig. Itinaboy siya sa parang at kumain ng damo, tulad ng baka. Nabasa siya ng hamog. Humaba ang buhok niya na parang balahibo ng agila, at ang kuko ay naging tila kuko ng ibon.

34. “Pagkatapos ng takdang panahon, akong si Nebucadnezar ay tumingala sa langit at nanumbalik ang dati kong pag-iisip. Dahil dito, pinuri ko't pinasalamatan ang Kataas-taasang Diyos, ang nabubuhay magpakailanman.Ang kapangyarihan niya'y walang hanggan,ang paghahari niya'y magpakailanman.

35. Lahat ng nananahan sa lupa ay walang halaga;ginagawa niya sa hukbo ng langit anumang naisin niya.Walang maaaring mag-utos sa kanyani makakatutol sa kanyang ginagawa.

36. “Nang manauli ang aking pag-iisip, nanumbalik din ang aking karangalan at kapangyarihan. Muli kong tinanggap ang aking mga tagapayo at mga tagapamahala at ako'y naging higit na dakila at makapangyarihan kaysa dati.

37. “Kaya, akong si Nebucadnezar ay nagpupuri ngayon at nagpapasalamat sa Hari ng kalangitan sapagkat lahat ng gawa at tuntunin niya ay matuwid at makatarungan; ibinabagsak niya ang mga palalo.”

Daniel 4