19. Nang gabing iyon, sa pamamagitan ng pangitain ay inihayag ng Diyos kay Daniel ang nasabing hiwaga. Kaya't pinuri niya ang Diyos ng kalangitan.
20. Ang sabi ni Daniel:“Purihin magpakailanman ang pangalan ng Diyos,pagkat siya'y marunong at makapangyarihang lubos.
21. Siyang nakakapagbago ng mga kapanahunan,naglalagay at nag-aalis ng mga hari sa luklukan;siyang nagbibigay ng karunungan sa matatalino at kaalaman sa may pang-unawa.
22. Naghahayag ng mga lihim at kahiwagaan;nakatatalos sa mga nasa kadiliman,sapagkat ang kaliwanagan sa kanya'y nananahan.
23. Pinupuri ko kayo at pinasasalamatan, O Diyos ng aking mga magulang,dahil sa kaloob ninyo sa aking lakas at karunungan,ngayo'y ibinigay ninyo sa akin ang aking kahilingan,panaginip ng hari sa ami'y ipinaalam.”
24. Pagkatapos, bumalik si Daniel kay Arioc, ang opisyal na inutusan upang patayin ang mga tagapayo ng Babilonia. Sinabi niya, “Huwag mo munang patayin ang mga matatalinong tao. Samahan mo ako sa hari at ipapaliwanag ko ang kanyang panaginip.”
25. Dali-daling iniharap ni Arioc si Daniel sa hari. Sinabi niya, “Mahal na hari, narito po ang isa sa mga dinalang-bihag mula sa Juda. Siya po ang makapagpapaliwanag sa inyong panaginip.”
26. Si Daniel na tinatawag na Beltesazar ay tinanong ng hari, “Masasabi at maipapaliwanag mo ba sa akin ang aking panaginip?”
27. Sumagot si Daniel, “Ang hiwagang gustong alamin ng hari ay hindi maipapaliwanag ng sinumang matalinong tagapayo, enkantador, salamangkero, o manghuhula.
28. Ngunit mayroon pong isang Diyos sa kalangitan na naghahayag ng mga hiwaga at ipinakita niya sa Haring Nebucadnezar ang mga mangyayari sa mga darating na panahon. Ito ang panaginip na inyong nakita habang kayo'y natutulog:
29. “Mahal na hari, ang panaginip ninyo ay tungkol sa mangyayari sa hinaharap at ipinapaalam ito sa inyo ng Diyos na nakakaalam ng lahat ng hiwaga.