23. Pagkatapos, sinabi ng hari kay Simei, “Nangangako akong hindi ka papatayin.”
24. Si Mefiboset na apo ni Saul ay sumalubong din sa hari. Mula nang umalis si David hanggang sa matagumpay niyang pagbabalik, hindi naghugas ng paa si Mefiboset ni nagputol ng balbas o naglaba ng kanyang damit.
25. Nang dumating siya mula sa Jerusalem, sinabi ng hari, “Bakit hindi ka sumama sa akin, Mefiboset?”
26. “Mahal na hari,” wika niya, “alam po ninyong ako'y pilay. Kaya ipinahanda ko po sa aking katulong ang sasakyan kong asno upang sumama sa inyo. Ngunit hindi niya ako sinunod.
27. Sa halip ay nagpunta siya sa inyo at siniraan ako. Alam kong kayo'y tulad ng anghel ng Diyos, kaya gawin po ninyo sa akin ang sa palagay ninyo'y nararapat.
28. Ang buong sambahayan ng aking ama, ako at ang lahat sa amin ay maaari ninyong ipapatay, ngunit sa halip, binigyan pa ninyo ang inyong alipin ng lugar sa inyong hapag. Wala na po akong mairereklamo sa inyo, Mahal na Hari.”
29. Sumagot ang hari, “Wala ka nang dapat sabihin pa, Mefiboset! Nakapagpasya na ako na maghahati kayo ni Ziba sa ari-arian ni Saul.”
30. Ngunit sinabi ni Mefiboset, “Hayaan na po ninyo sa kanyang lahat. Sapat na sa aking kayo'y mapayapang nakauwi.”
31. May isang taga-Gilead na bumabâ mula sa Rogelim at naghatid din sa hari hanggang Jordan; ito'y si Barzilai.
32. Siya'y walumpung taon na at napakalaki ng naitulong sa hari noong ito'y nasa Mahanaim pa. Siya'y isa sa kinikilalang mayaman doon, at siya ang nagbibigay ng pagkain sa hari.
33. Bago tumawid ang hari ay sinabi nito, “Mabuti pa'y sumama ka sa amin sa Jerusalem. Doon ka na tumira sa palasyo at ako ang bahala sa iyo.”
34. Sumagot si Barzilai, “Ilang taon na lang ang itatagal ko, bakit pa po ako sasama sa inyo sa Jerusalem?
35. Walumpung taon na ako at wala nang kasiyahan sa mga kalayawan. Hindi ko na malasahan ang sarap ng pagkain at inumin. Wala nang pang-akit sa akin pati magagandang awitin. Magiging pabigat lamang ako sa inyo, Mahal na Hari.
36. Ihahatid ko na lang kayo hanggang sa makatawid ng Jordan. Hindi na ninyo ako kailangang gantimpalaan nang ganito.
37. Hayaan na ninyo akong magbalik sa aking bayang sinilangan, at doon ko na hihintayin ang aking mga huling araw sa tabi ng puntod ng aking ama at ina. Narito ang lingkod ninyong si Camaam; siya ang isama ninyo, ang katulong kong ito, at kayo na ang bahala sa kanya.”
38. Sumagot ang hari, “Sige, isasama ko siya. Gagawin ko rin ang lahat ng gusto mo para sa ikabubuti niya. Tungkol naman sa iyo, gagawin ko rin ang lahat ng gusto mo.”
39. Tumawid sa Jordan ang lahat. Bago tumawid ang hari, hinagkan muna niya at binasbasan si Barzilai. Pagkatapos, umuwi na si Barzilai sa kanyang tahanan.
40. Nagtuloy sa Gilgal ang hari, kasama si Camaam. Kasama rin nila ang lahat ng taga-Juda at kalahati ng mga taga-Israel.