13. At ipinasabi naman niya kay Amasa, “Ikaw ay tunay kong laman at dugo. Ikaw ngayon ang hinihirang kong pinuno ng hukbo, kapalit ni Joab. Patayin nawa ako ng Diyos kung hindi ito ang gagawin ko!”
14. Buong galak na tinanggap ng mga taga-Juda ang balitang ito, kaya't ipinasundo nila si Haring David at ang lahat ng mga kasama niya.
15. Pumunta na nga sina Haring David at ang mga kasama niya sa Ilog Jordan. Nagtipon naman ang mga taga-Juda sa Gilgal upang salubungin siya at samahan sa pagtawid sa Ilog.
16. Isa sa sumalubong kay David ay si Simei, anak ni Gera na taga-Bahurim. Ang taong ito ay Benjaminita, at nagmamadali ring sumama sa mga taga-Juda.
17. Kasama niya ang may sanlibong katao buhat din sa Benjamin. Nagmamadali ring bumabâ sa Jordan si Ziba, ang alipin ng sambahayan ni Saul, kasama ang kanyang labinlimang anak na lalaki at dalawampung alipin.
18. Tumawid sila sa ilog upang tulungang makatawid ang sambahayan ng hari at upang gawin ang anumang ipag-utos niya.Nang tatawid na lamang sila sa Jordan, nagpatirapa sa harapan ng hari si Simei.
19. Sinabi niya sa hari, “Kalimutan na po sana ninyo ang kasamaang ginawa ko nang kayo'y papaalis noon sa Jerusalem. Patawarin na po ninyo ako sa lahat ng ito.
20. Inaamin ko pong nagkasala ako sa inyo. Kaya po naman ako ang nauna sa mga liping taga-hilaga upang sumalubong sa inyo, Mahal na Hari.”
21. Tumutol si Abisai at ang sabi, “Hindi ba dapat patayin ang taong ito sapagkat nilait niya ang haring pinili ni Yahweh?”
22. Nagsalita ang hari, “Sino bang humihingi ng payo ninyo, mga anak ni Zeruias? Bakit ninyo ako pinangungunahan? Ako ngayon ang hari ng buong Israel, at isinusumpa ko: Walang sinumang papatayin sa Israel ngayon!”
23. Pagkatapos, sinabi ng hari kay Simei, “Nangangako akong hindi ka papatayin.”
24. Si Mefiboset na apo ni Saul ay sumalubong din sa hari. Mula nang umalis si David hanggang sa matagumpay niyang pagbabalik, hindi naghugas ng paa si Mefiboset ni nagputol ng balbas o naglaba ng kanyang damit.
25. Nang dumating siya mula sa Jerusalem, sinabi ng hari, “Bakit hindi ka sumama sa akin, Mefiboset?”
26. “Mahal na hari,” wika niya, “alam po ninyong ako'y pilay. Kaya ipinahanda ko po sa aking katulong ang sasakyan kong asno upang sumama sa inyo. Ngunit hindi niya ako sinunod.
27. Sa halip ay nagpunta siya sa inyo at siniraan ako. Alam kong kayo'y tulad ng anghel ng Diyos, kaya gawin po ninyo sa akin ang sa palagay ninyo'y nararapat.
28. Ang buong sambahayan ng aking ama, ako at ang lahat sa amin ay maaari ninyong ipapatay, ngunit sa halip, binigyan pa ninyo ang inyong alipin ng lugar sa inyong hapag. Wala na po akong mairereklamo sa inyo, Mahal na Hari.”