4. Sinabi ni Jonadab kay Amnon, “Ikaw ay isang anak ng hari ngunit tuwing umaga'y napapansin kong matamlay ka, bakit ba?” Ipinagtapat ni Amnon na umiibig siya kay Tamar.
5. Kaya't sinabi ni Jonadab, “Ganito ang gawin mo. Mahiga ka sa kama at magkunwari kang may sakit. Pagdalaw ng iyong ama, sabihin mong papuntahin si Tamar upang magluto ng pagkain mo. Gusto mong makita siyang nagluluto at siya na rin ang magpakain sa iyo.”
6. Kaya't nahiga nga si Amnon at nagsakit-sakitan. Pagdating ng hari, sinabi niya, “Sabihin naman ninyo kay Tamar na pumarito, at ipagluto ako ng tinapay. Gusto ko pong makitang siya ang nagluluto, at siya na rin ang magpakain sa akin.”
7. Ipinagbilin nga ni David na magpunta si Tamar sa tirahan ni Amnon upang ipaghanda ito ng pagkain.
8. Nagpunta naman si Tamar at dinatnan niya itong nakahiga. Kumuha siya ng minasang harina at nagluto ng ilang tinapay habang pinagmamasdan siya ni Amnon.
9. Kinuha niya ito sa kawali at inihain kay Amnon, ngunit ayaw nitong kumain. Inutusan niyang lumabas ang lahat maliban kay Tamar.
10. Pagkatapos, sinabi niya, “Tamar, dalhin mo rito sa silid ang pagkain at subuan mo ako.” Dinala nga niya sa silid ang pagkain ni Amnon.
11. Nang ibibigay na ito sa kanya, biglang hinawakan ni Amnon ang kamay ni Tamar at sinabi, “Sumiping ka sa akin, kapatid ko.”
12. “Huwag, kapatid ko!” sabi ng dalaga. “Huwag mo akong halayin. Hindi iyan pinahihintulutan sa bayang Israel. Huwag mong gawin ang kahalayang ito.
13. Lalabas akong kahiya-hiya sa buong Israel. At ikaw, ano pa ang mukhang ihaharap mo sa mga tao? Bakit hindi ka na lang magsabi sa hari? Palagay ko'y hindi siya tututol na pakasalan mo ako.”
14. Ngunit hindi nakinig si Amnon at dahil mas malakas siya, nagawa niyang pagsamantalahan si Tamar.
15. Matapos siyang pagsamantalahan, si Amnon ay namuhi sa kanya ng pagkamuhing higit pa kaysa hibang na pag-ibig na dating iniukol niya rito. “Umalis ka na!” sabi niya kay Tamar.
16. “Hindi ako aalis!” sagot ng babae. “Ang pagtataboy mong ito ay masahol pa sa kalapastanganang ginawa mo sa akin!”Ngunit hindi siya pinansin ni Amnon.