22. Si Absalom nama'y suklam na suklam kay Amnon dahil sa paglapastangan nito sa kapatid niyang si Tamar. Hindi na niya ito kinibo mula noon.
23. Pagkaraan ng dalawang taon, inanyayahan ni Absalom ang lahat ng anak ng hari upang saksihan ang paggugupit sa kanyang mga tupa sa Baal-hazor, malapit sa Efraim.
24. Lumapit siya sa hari upang ipaalam ang bagay na ito, at tuloy anyayahan naman siya at ang kanyang mga pinuno.
25. “Huwag na, anak,” wika ng hari. “Maaabala kang masyado kung dadalo kaming lahat.” Pinilit siya ni Absalom ngunit hindi rin pumayag. Binasbasan na lang siya ng hari.
26. Bago umalis si Absalom, sinabi niya sa hari, “Kung hindi kayo makakadalo, si Amnon na lang po ang pasamahin ninyo sa amin.”“Bakit mo siya isasama?” tanong ng hari.
27. Ngunit nagpumilit si Absalom, at pinasama na rin ng hari si Amnon at ang iba pang mga kapatid nito.
28. Iniutos ni Absalom sa kanyang mga alipin, “Bantayan ninyo si Amnon at kapag lasing na, sesenyas ako at patayin ninyo siya. Hindi kayo dapat matakot. Ako ang mananagot nito. Lakasan ninyo ang inyong loob at huwag kayong mag-atubili!”
29. Ganoon nga ang ginawa ng mga alipin; pinatay nila si Amnon. Kaya't nagmamadaling tumakas ang mga anak na lalaki ng hari, sakay ng kani-kanilang mola.
30. Nasa daan pa sila'y may nagbalita na kay David na pinatay ni Absalom ang lahat ng anak niyang lalaki.
31. Kaya't tumayo siya, pinunit ang kanyang kasuotan at naglupasay sa lupa. Pinunit din ng mga alipin niya ang kanilang damit.
32. Ngunit si Jonadab, ang pamangkin ni David kay Simea, ay lumapit sa hari. Sinabi niya, “Huwag po kayong maniwala na pinatay ang lahat ninyong anak na lalaki. Si Amnon po lang ang pinatay! Siya po lamang ang pinag-initan ni Absalom mula nang pagsamantalahan niya si Tamar.
33. Kaya, huwag po kayong maniwala sa balitang iyon; talaga pong si Amnon lamang ang pinatay.”
34. Samantala, si Absalom ay tumakas matapos ipapatay si Amnon.Ang bantay sa palasyo'y may natanaw na pulutong ng mga taong bumababa sa burol, sa gawi ng Horonaim.
35. Kaya't sinabi ni Jonadab sa hari, “Dumarating na po ang mga anak ninyo, tulad ng sinabi ko sa inyo.”
36. Nag-uusap pa sila'y dumating nga ang mga prinsipe na nag-iiyakan. Umiyak na rin ang hari at ang kanyang mga lingkod.
37. Mahabang panahong nagluksa ang hari dahil sa pagkamatay ni Amnon. Si Absalom nama'y nagtago kina Talmai, anak ng haring Amihud ng Gesur.
38. Tatlong taon siyang nagtago roon.
39. Pagkalipas ng pagdadalamhati ng hari sa pagkamatay ni Amnon, nanabik siyang makita si Absalom.