20. Nakita siya ni Absalom at tinanong, “May masama bang ginawa sa iyo si Amnon? Kung mayroon ma'y huwag mo nang alalahanin. Siya'y kapatid mo rin kaya't manahimik ka na lang.” Taglay ang matinding kalungkutan, si Tamar ay nanirahan na lang sa bahay ni Absalom.
21. Galit na galit si Haring David nang mabalitaan ito.
22. Si Absalom nama'y suklam na suklam kay Amnon dahil sa paglapastangan nito sa kapatid niyang si Tamar. Hindi na niya ito kinibo mula noon.
23. Pagkaraan ng dalawang taon, inanyayahan ni Absalom ang lahat ng anak ng hari upang saksihan ang paggugupit sa kanyang mga tupa sa Baal-hazor, malapit sa Efraim.
24. Lumapit siya sa hari upang ipaalam ang bagay na ito, at tuloy anyayahan naman siya at ang kanyang mga pinuno.
25. “Huwag na, anak,” wika ng hari. “Maaabala kang masyado kung dadalo kaming lahat.” Pinilit siya ni Absalom ngunit hindi rin pumayag. Binasbasan na lang siya ng hari.
26. Bago umalis si Absalom, sinabi niya sa hari, “Kung hindi kayo makakadalo, si Amnon na lang po ang pasamahin ninyo sa amin.”“Bakit mo siya isasama?” tanong ng hari.
27. Ngunit nagpumilit si Absalom, at pinasama na rin ng hari si Amnon at ang iba pang mga kapatid nito.
28. Iniutos ni Absalom sa kanyang mga alipin, “Bantayan ninyo si Amnon at kapag lasing na, sesenyas ako at patayin ninyo siya. Hindi kayo dapat matakot. Ako ang mananagot nito. Lakasan ninyo ang inyong loob at huwag kayong mag-atubili!”
29. Ganoon nga ang ginawa ng mga alipin; pinatay nila si Amnon. Kaya't nagmamadaling tumakas ang mga anak na lalaki ng hari, sakay ng kani-kanilang mola.