4. Sa halip, sinisikap namin sa lahat ng paraan na ipakilalang kami'y lingkod ng Diyos, sa pamamagitan ng matiyagang pagtitiis sa lahat ng uri ng kahirapan, kapighatian at mga kagipitan.
5. Kami'y hinagupit, ibinilanggo at binugbog. Naranasan namin ang magtrabaho nang labis, ang di matulog magdamag, at di kumain nang ilang araw.
6. Namuhay kami nang malinis, may kaalaman, pagtitiis, at kabutihan upang ipakilalang kami'y lingkod ng Diyos sa patnubay ng Espiritu Santo at sa pamamagitan ng aming tapat na pag-ibig,
7. tapat na pananalita, at ng kapangyarihan ng Diyos. Ang pagiging matuwid ang siya naming sandatang panlaban at panangga.
8. Naranasan naming maparangalan at siraan ng puri, ang laitin at papurihan. Kami'y itinuring na sinungaling, gayong totoo naman ang aming sinasabi;
9. itinuturing na di kilala, gayong kami'y kilalang-kilala; itinuturing na namamatay na, ngunit buháy naman; pinaparusahan kami, subalit hindi kami namamatay.