1. Kailangan kong magmalaki, kahit na wala akong mapapala sa paggawa nito. Ang sasabihin ko naman ngayo'y ang mga pangitain at mga pahayag mula sa Panginoon.
2. May kilala akong isang Cristiano na dinala sa ikatlong langit, labing-apat na taon na ang nakakalipas. Hindi ko lang matiyak kung iyo'y isang pangitain lamang, o tunay na pangyayari; ang Diyos lamang ang nakakaalam.
3. Inuulit ko, siya'y dinala sa Paraiso. At tulad ng sabi ko, ang Diyos lamang ang nakakaalam kung ito nga'y isang pangitain o tunay na pangyayari.
4. Nakarinig siya roon ng mga bagay na di kayang ilarawan ng salita at di dapat bigkasin ninuman.
5. Ipagmamalaki ko ang taong iyon, at hindi ang aking sarili, maliban sa aking mga kahinaan.
6. At kung ako'y magmalaki man, hindi ako lalabas na hangal, sapagkat totoo ang sasabihin ko. Ngunit hindi ko ito gagawin, sapagkat ayaw kong mag-isip ang sinuman nang higit tungkol sa akin kaysa kanyang nakita o narinig sa akin.
7. Ngunit upang hindi ko ipagyabang ang kamangha-manghang pahayag ng Diyos sa akin, ako'y binigyan ng isang kapansanan sa katawan na nagsisilbing sugo ni Satanas upang pahirapan ako, at nang sa gayo'y hindi ako maging palalo.