6. Ang rebulto ni Ashera ay ipinalabas niya sa Templo at ipinadala sa labas ng Jerusalem, sa Libis ng Kidron at doon ipinasunog. Pagkatapos, ipinadurog niya ang uling niyon at ipinasabog sa libingan ng mga karaniwang tao.
7. Ipinagiba rin niya ang tirahan ng mga lalaki at babaing nagbebenta ng panandaliang-aliw sa templo bilang pagsamba kung saan hinahabi rin ng mga babae ang mga toldang ginagamit sa pagsamba sa diyus-diyosang si Ashera.
8. Tinipon ni Josias sa Jerusalem ang lahat ng pari ng mga dambana ng mga diyus-diyosan sa gawing kaliwa ng pintuan ng tirahan ni Josue, na gobernador ng lunsod.
9. Ngunit ang mga paring naglingkod sa mga dambana ng mga diyus-diyosan ay hindi pinayagang maghandog sa altar ni Yahweh. Nakisalo na lamang sila sa kapwa nila pari sa Jerusalem sa pagkain ng tinapay na walang pampaalsa.
10. Ipinagiba rin niya ang dambana sa Libis ng Ben Hinom upang wala nang makapagsunog ng kanilang anak bilang handog kay Molec.
11. Ipinaalis niya sa pintuang papasok sa Templo ang mga kabayong inilaan ng mga naging hari ng Juda para sa pagsamba sa araw. Ang mga ito'y nasa tabi ng tirahan ng opisyal na si Natan-melec, sa bulwagang nasa may likod ng templo. Pagkatapos ipinasunog niya ang mga karwaheng ginagamit sa pagsamba sa araw.
12. Ang mga altar na ipinagawa ng mga naging hari ng Juda sa kaitaasang palapag ng tirahan ni Ahaz, pati ang mga altar na ipinagawa ni Manases sa magkabilang bulwagan ng Templo ay ipinagiba niya at ipinatapon sa Libis ng Kidron ang mga dinurog na bato.
13. Ipinagiba rin niya ang mga altar sa silangan ng Jerusalem sa gawing timog ng Bundok ng mga Olibo. Ang mga ito'y ipinagawa ni Haring Solomon ng Israel para sa mga kasuklam-suklam na mga diyus-diyosan: para kay Astoret, ang diyosa ng mga Sidonio, para kay Quemos, ang diyos ng mga Moabita, at para kay Milcom, ang diyos ng mga Ammonita.