19. Pati ang mga dambana ng mga diyus-diyosan sa mga lunsod ng Samaria na ipinagawa ng mga naging hari ng Israel at siyang naging dahilan ng galit ni Yahweh ay ipinagiba ni Haring Josias. Ginawa rin niya rito ang ginawa niya sa Bethel.
20. Pinatay niya ang mga paring naglilingkod sa mga altar ng mga diyus-diyosan. Pinatambakan din niya ng kalansay ng mga tao ang mga altar at sinunog. Pagkatapos bumalik siya sa Jerusalem.
21. Ipinag-utos ni Haring Josias sa mga tao, “Ipagdiwang natin ang Paskwa ni Yahweh, ayon sa nakasulat sa aklat ng tipan.”
22. Sapagkat mula pa sa panahon ng mga hukom ay wala pang hari sa Juda at sa Israel na nagdiwang ng Paskwa.
23. Ngunit nang ikalabing walong taon ng paghahari ni Josias, ipinagdiwang sa Jerusalem ang Paskwa ni Yahweh.
24. Pinaalis ni Josias ang mga sumasangguni sa mga espiritu ng namatay na, ang mga manghuhula, ang mga diyus-diyosan at ang lahat ng kasuklam-suklam na mga bagay sa buong Juda at Jerusalem bilang pagtupad sa mga kautusang nasa aklat na natagpuan ni Hilkias sa Templo.