4. Kinilabutan sa takot ang mga pinuno sa Samaria sapagkat naisip nila na kung ang dalawang hari ay walang nagawa laban kay Jehu, lalong wala silang magagawa.
5. Kaya, sinagot nila ang sulat ni Jehu at kanilang sinabi,“Nakahanda kaming paalipin sa inyo. Susundin namin ang lahat ng ipag-uutos ninyo sa amin. Hindi kami maglalagay ng hari. Gawin na po ninyo ang inaakala ninyong mabuti.”
6. Sinulatan sila uli ni Jehu. Ang sabi sa sulat: “Kung talagang kampi kayo sa akin at handang sumunod sa mga utos ko, pugutan ninyo ng ulo ang mga anak ng inyong panginoon at dalhin dito sa Jezreel bukas ng ganitong oras.”Ang pitumpung anak ni Haring Ahab ay nasa pangangalaga ng mga pangunahing lalaki ng lunsod.
7. Pagkatanggap nila sa sulat, pinugutan nila ng ulo ang mga anak ng hari, at ang mga ulo'y inilagay sa mga basket at ipinadala kay Jehu sa Jezreel.
8. Pagdating doon, sinabi sa kanya ng tagapagbalita, “Narito na po ang mga ulo ng mga anak ni Ahab.”Sinabi ni Jehu, “Pagdalawahin ninyong bunton sa may pagpasok ng bayan at hayaan ninyo roon hanggang bukas ng umaga.”
9. Kinaumagahan, lumabas siya ng palasyo at sinabi sa mga tao, “Kayo ang humatol: kung ako ang pumatay sa aking panginoon, sino naman ang pumatay sa mga ito?
10. Natupad ngayon ang lahat ng sinabi ni Yahweh tungkol kay Ahab sa pamamagitan ni Propeta Elias.”
11. Wala ngang itinira si Jehu sa sambahayan ni Ahab. Pinatay niyang lahat ang tauhan nito at mga kaibigan, pati ang mga pari.
12. Pagkatapos, pumunta si Jehu sa Samaria. Sa daan, sa may lugar na tinatawag na Silungan ng mga Pastol, ay
13. nakasalubong niya ang mga kamag-anak ni Haring Ahazias ng Juda. Sila'y tinanong niya, “Sino kayo?”“Mga kamag-anak po ni Haring Ahazias. Naparito kami upang dalawin ang mga anak ng hari at ng reyna,” sagot nila.
14. Ipinahuli niya ang mga ito at ipinapatay sa may hukay, malapit sa Silungan; wala siyang ipinatirang buháy. Lahat-lahat ng napatay ay apatnapu't dalawa.
15. Nang umalis doon si Jehu, nakasalubong niya si Jonadad na anak ni Recab. Binati siya ni Jehu at tinanong, “Ikaw ba'y buong pusong nakikiisa sa akin?”“Oo,” sagot nito.“Kung ganoon,” sabi ni Jehu, “sumakay ka sa aking karwahe.” At inalalayan niya ito sa pagsakay.
16. Sinabi pa niya, “Isasama kita para makita mo kung gaano ako katapat kay Yahweh.” At nagpatuloy silang magkasama sa karwahe.
17. Pagdating sa Samaria, pinatay niyang lahat ang natitira pang kamag-anak ni Ahab; wala siyang itinirang buháy, tulad ng sinabi ni Yahweh kay Elias.
18. Tinipon ni Jehu ang mga tao at sinabi niya, “Hindi masyadong pinaglingkuran ni Ahab si Baal, ngunit higit ko siyang paglilingkuran.
19. Tawagin ninyo ang lahat ng mga propeta, mga pari at mga tagasunod ni Baal, at gagawa tayo ng isang malaking paghahandog kay Baal. Kailangang makasama ang lahat ng tagasunod ni Baal. Papatayin ang sinumang hindi sasama.” Ngunit paraan lamang ito ni Jehu upang mapatay niyang lahat ang mga sumasamba kay Baal.
20. Iniutos niya, “Ipahayag ninyong tayo'y mag-uukol ng pagsamba para kay Baal.” At ganoon nga ang ginawa nila.