2 Mga Hari 10:16-21 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

16. Sinabi pa niya, “Isasama kita para makita mo kung gaano ako katapat kay Yahweh.” At nagpatuloy silang magkasama sa karwahe.

17. Pagdating sa Samaria, pinatay niyang lahat ang natitira pang kamag-anak ni Ahab; wala siyang itinirang buháy, tulad ng sinabi ni Yahweh kay Elias.

18. Tinipon ni Jehu ang mga tao at sinabi niya, “Hindi masyadong pinaglingkuran ni Ahab si Baal, ngunit higit ko siyang paglilingkuran.

19. Tawagin ninyo ang lahat ng mga propeta, mga pari at mga tagasunod ni Baal, at gagawa tayo ng isang malaking paghahandog kay Baal. Kailangang makasama ang lahat ng tagasunod ni Baal. Papatayin ang sinumang hindi sasama.” Ngunit paraan lamang ito ni Jehu upang mapatay niyang lahat ang mga sumasamba kay Baal.

20. Iniutos niya, “Ipahayag ninyong tayo'y mag-uukol ng pagsamba para kay Baal.” At ganoon nga ang ginawa nila.

21. Ang pahayag na ito'y ipinaabot niya sa buong Israel at dumalo naman ang lahat ng sumasamba kay Baal kaya't punung-puno ang templo ni Baal.

2 Mga Hari 10