15. Nagpagawa siya ng 200 malalaking kalasag na may balot na pitong kilong pinitpit na ginto bawat isa.
16. Nagpagawa pa siya ng 300 maliliit na kalasag na may balot namang tatlong kilong pinitpit na ginto bawat isa. Ipinalagay ng hari ang nasabing mga kalasag sa Bulwagan ng Kagubatang Lebanon.
17. Nagpagawa rin siya ng isang malaking tronong balot sa garing na may palamuting ginto.
18. Balot din ng ginto ang anim na baytang na paakyat sa trono at ang tuntungan dito. May patungan ng kamay sa magkabilang tagiliran ng trono at may rebulto ng nakatayong leon sa magkabila.
19. Labindalawang rebultong leon naman ang nakahanay sa magkabilang dulo ng anim na baytang.
20. Walang ganitong trono na nagawa saan mang kaharian. Lantay na ginto ring lahat ang mga kopa ni Haring Solomon at ang mga kasangkapan sa Bulwagan ng Kagubatang Lebanon. Hindi gaanong pinahahalagahan ang pilak noon.
21. May mga malalaking barko siyang nagbibiyahe sa Tarsis kasama ng mga tauhan ni Hiram at tuwing ikatlong taon ay dumarating na maraming dalang ginto, pilak, garing, mga gorilya at pabo real.
22. Si Haring Solomon ang pinakamarunong at pinakamayaman sa lahat ng mga hari sa buong mundo.
23. Kaya't pinupuntahan siya ng mga hari buhat sa iba't ibang panig ng daigdig upang makinig sa karunungang ibinigay sa kanya ng Diyos.
24. Bawat isa'y may dalang regalo: mga kasangkapang ginto at pilak, mga damit, mira, mga pabango, mga kabayo at mola. Nagpapatuloy ito taun-taon.