8. Nasa tao ang kanyang lakas samantalang nasa panig natin ang ating Diyos na si Yahweh. Tutulungan niya tayo at ipaglalaban.” Sa sinabing ito ni Haring Ezequias, nabuhayan ng loob ang mga tao.
9. Nasa Laquis noon si Haring Senaquerib ng Asiria kasama ang kanyang hukbo at pinapaligiran nila ang lunsod na iyon. Nagpadala siya ng mga sugo kay Ezequias at sa mga taga-Jerusalem.
10. Ganito ang sabi niya: “Napapalibutan na namin kayo diyan sa Jerusalem. Ano sa palagay ninyo ang makakapagligtas sa inyo?
11. Sumuko na kayo para hindi kayo mamatay sa gutom at uhaw. Nililinlang lamang kayo ni Ezequias! Paano kayo maililigtas ng Diyos ninyong si Yahweh sa kamay ng hari ng Asiria?
12. Hindi ba't si Ezequias ang nagpagiba ng mga altar at sagradong burol at nag-utos sa inyo na sa isang altar lamang kayo sasamba at maghahandog?
13. Alam ninyo ang ginawa ko at ng aking mga ninuno sa mga mamamayan ng ibang lupain. Nailigtas ba sila ng kanilang mga diyos?
14. Wala ni isa sa dinidiyos ng mga bansang winasak ng aking mga ninuno ang nakapagligtas sa kanila! Hindi rin kayo maililigtas ng inyong Diyos!