2 Mga Cronica 29:17-22 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

17. Sinimulan nila ang gawain ng paglilinis noong unang araw ng unang buwan at ikawalong araw nang umabot sila sa portiko. Walong araw pa nilang nilinis ang Templo ni Yahweh at natapos nila ito sa ikalabing-anim na araw ng buwan ding iyon.

18. Pagkatapos, pumunta ang mga Levita kay Haring Ezequias at sinabi dito, “Nalinis na po namin ang Templo ni Yahweh, ang altar na pinagsusunugan ng mga handog at ang lahat ng kagamitan doon, pati ang hapag ng mga tinapay na handog at ang mga kagamitan doon.

19. Ang mga kasangkapan namang inalis ni Haring Ahaz nang tumalikod siya sa Diyos ay ibinalik namin at muling inilaan para sa Diyos. Nakalagay na po ang lahat ng ito sa harap ng altar ni Yahweh.”

20. Maagang bumangon si Haring Ezequias at tinipon niya ang mga pinuno ng lunsod. Magkakasama silang pumunta sa Templo ni Yahweh.

21. May dala silang pitong toro, pitong lalaking tupa, pitong kordero at pitong lalaking kambing na handog pangkasalanan para sa kaharian, sa Templo at sa Juda. Iniutos ng hari sa mga paring mula sa angkan ni Aaron na ihandog ang mga ito sa altar ni Yahweh.

22. Kaya't pinatay ng mga pari ang mga toro at ang dugo nito'y iwinisik nila sa altar. Gayundin ang ginawa sa mga lalaking tupa at kordero.

2 Mga Cronica 29