2 Mga Cronica 20:26-37 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

26. Nang ikaapat na araw, nagtipon sila sa isang libis at nagpuri kay Yahweh. Kaya, simula noo'y tinawag na Libis ng Beraca ang lugar na iyon.

27. Sa pangunguna ni Jehoshafat, umuwi na ang lahat ng mga taga-Juda at Jerusalem. Tuwang-tuwa sila dahil sa tagumpay na ipinagkaloob sa kanila ni Yahweh.

28. Pagdating nila sa Jerusalem ay tumuloy sila sa Templo, kasabay ng tugtog ng mga alpa, lira at trumpeta.

29. Mula noon, ang lahat ng kaharian at bansa ay natakot nang malaman nila kung paano tinalo ni Yahweh ang mga kaaway ng Israel.

30. Naging tahimik ang buong nasasakupan ni Jehoshafat, at binigyan siya ng Diyos ng kapayapaan sa buong kaharian.

31. Tatlumpu't limang taóng gulang si Jehoshafat nang magsimula siyang maghari, at namahala siya sa Jerusalem sa loob ng dalawampu't limang taon. Ang ina niya'y si Azuba na anak ni Silhi.

32. Tulad ng kanyang amang si Asa, ginawa niya ang mabuti sa paningin ni Yahweh.

33. Gayunman, nanatili pa rin ang mga dambana ng mga pagano. Hindi pa lubusang nanumbalik ang mga tao sa Diyos ng kanilang mga ninuno.

34. Ang iba pang ginawa ni Jehoshafat buhat sa simula hanggang wakas ay nakasulat sa Kasaysayan ni Jehu na Anak ni Hanani na bahagi ng Aklat ng Kasaysayan ng mga Hari ng Israel.

35. Dumating ang panahong si Jehoshafat ay nakipagkasundo kay Ahazias, isang masamang hari ng Israel.

36. Nagkaisa silang magpagawa ng mga malalaking barko sa Ezion-geber.

37. Sa ginawang ito, sinabi ni Eliezer, anak ni Dodavahu na taga-Maresa, laban kay Jehoshafat, “Dahil sa pakikiisa mo kay Ahazias, wawasakin ni Yahweh ang lahat ng ginawa mo.” At lahat nang mga barkong ipinagawa nila ay winasak ng bagyo at hindi nakaalis.

2 Mga Cronica 20