1. Dumating ang panahon na nilusob ng mga Moabita, Ammonita at ilang Meunita si Jehoshafat.
2. Nabalitaan niya na isang malaking pangkat mula sa Edom ang sumasalakay sa ibayo ng lawa at nasa Hazazon-tamar, na tinatawag ding En-gedi.
3. Nabahala si Jehoshafat at humingi siya ng patnubay kay Yahweh. Iniutos niya na mag-ayuno ang lahat ng mamamayan ng Juda.
4. Nagtipun-tipon ang buong Juda upang humingi ng tulong kay Yahweh. Dumating sila buhat sa iba't ibang lunsod.
5. Tumayo si Jehoshafat sa harap ng mga taga-Juda at Jerusalem na nagtitipon sa bagong bulwagan ng Templo.
6. Nanalangin siya: “O Yahweh, Diyos ng aming mga ninuno at ng buong kalangitan, kayo po ang namamahala sa lahat ng bansa at ikaw ang may lubos na kapangyarihan. Kaya walang maaaring lumaban sa inyo.
7. O Diyos namin, ikaw ang nagpalayas sa mga tagarito upang ibigay ang lupaing ito sa bayan mong Israel magpakailanman. Ginawa ninyo iyon ayon sa inyong pangako kay Abraham na inyong kaibigan.
8. Dito nga sila tumira at itinayo nila ang Templong ito upang dito kayo sambahin. Sabi nila,
9. ‘Kung may masamang mangyari sa amin tulad ng digmaan, baha, salot o taggutom, haharap kami sa Templong ito upang humingi ng tulong sa inyo sapagkat dito kayo sinasamba. Tatawag kami sa inyo, papakinggan ninyo kami at ililigtas sa panahon ng aming kagipitan.’