2 Mga Cronica 2:1-6 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

1. Nagpasya si Solomon na magtayo ng templo na kung saan ay sasambahin si Yahweh, at ng palasyo para sa kanyang sarili.

2. Naglagay si Solomon ng 80,000 katao na tagatibag ng bato sa kabundukan, 70,000 tagahakot, at 3,600 tagapamahala.

3. Pagkatapos ay sumulat siya kay Haring Hiram ng Tiro na ganito ang sinasabi: “Kung paano ninyo pinakitunguhan ang aking amang si David at pinadalhan ninyo ng mga kahoy na sedar na ginamit niya sa pagtatayo ng kanyang palasyo, gayundin po sana ang gawin ninyo sa akin.

4. Ngayon po'y magtatayo ako ng isang templo na kung saan ay sasambahin ang aking Diyos na si Yahweh. Magiging banal na lugar iyon para sa kanya bilang dakong sunugan ng insenso at pag-aalayan ng tinapay at handog na susunugin sa umaga, sa hapon, sa Araw ng Pamamahinga, sa Pista ng Bagong Buwan at sa mga takdang kapistahan ni Yahweh na aming Diyos, sapagkat ito'y utos sa Israel magpakailanman.

5. Malaki ang templong ipatatayo ko sapagkat mas dakila ang aming Diyos kaysa alinmang diyos.

6. Ngunit sino nga ba ang makakapagtayo ng isang templong maaaring tirahan niya gayong maging sa kataas-taasang langit ay hindi siya magkasya. At sino naman ako upang ipagtayo siya ng templo? Ang ipatatayo ko'y isa lamang templong mapagsusunugan ng mga handog sa harap niya.

2 Mga Cronica 2