13. Sila'y nagiging tamad at nag-aaksaya ng panahon sa pangangapitbahay; at sila'y nagiging tsismosa, mahilig makialam sa buhay ng may buhay at madadaldal.
14. Kaya't para sa akin, mabuti pang sila'y mag-asawang muli, magkaanak at mag-asikaso ng tahanan, upang ang ating kaaway ay hindi magkaroon ng pagkakataong mapintasan tayo,
15. sapagkat may ilan nang biyudang nailigaw ni Satanas.
16. Kailangang alagaan ng babaing mananampalataya ang mga kamag-anak nilang biyuda upang hindi sila maging pabigat sa iglesya. Sa gayon, ang aalagaan ng iglesya ay iyon lamang mga biyudang walang ibang inaasahan.
17. Ang mga pinunong mahusay mamahala ay karapat-dapat tumanggap ng paggalang at kabayaran, lalo na ang mga masigasig sa pangangaral at pagtuturo ng salita ng Diyos.
18. Sapagkat sinasabi ng kasulatan, “Huwag mong bubusalan ang bibig ng baka habang ito'y gumigiik.” Nasusulat din, “Ang manggagawa ay karapat-dapat bayaran.”
19. Huwag mong tatanggapin ang anumang paratang laban sa isang pinuno ng iglesya kung walang patotoo ng dalawa o tatlong saksi.
20. Pagsabihan mo sa harap ng lahat ang sinumang ayaw tumigil sa paggawa ng masama para matakot ang iba.
21. Sa harap ng Diyos at ni Cristo Jesus at ng kanyang banal na mga anghel, iniuutos kong sundin mo ang mga bagay na ito nang walang kinikilingan o itinatangi.
22. Huwag mong ipapatong agad ang iyong kamay sa sinuman upang bigyan ito ng kapangyarihang mamahala. Ingatan mong huwag kang masangkot sa kasalanan ng iba; manatili kang walang dungis.
23. Huwag puro tubig lang ang iyong iinumin; uminom ka rin ng kaunting alak na gamot sa madalas na pagsakit ng iyong sikmura.
24. May mga taong lantad na ang kasalanan bago pa humarap sa hukuman. At mayroon din namang ang kasalanan ay huli na kung mahayag.
25. Gayundin naman, may mabubuting gawa na madaling mapansin; ngunit kung hindi man mapansin agad, ito'y hindi maililihim habang panahon.