1 Samuel 5:1-8 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

1. Mula sa Ebenezer, ang Kaban ng Diyos ay dinala ng mga Filisteo sa Asdod.

2. Ipinasok nila ito sa templo ng kanilang diyos na si Dagon at inilagay sa tabi nito.

3. Kinaumagahan, nakita ng mga taga-Asdod na nakasubsob ang rebulto ni Dagon sa harap ng Kaban ng Tipan ni Yahweh. Kaya, binuhat nila ito at ibinalik sa dating lugar.

4. Nang magbalik sila kinabukasan, nakita nilang nakasubsob na naman si Dagon sa harap ng Kaban ng Tipan. Ang ulo at mga kamay nito ay putul-putol at nagkalat sa may pintuan; walang natirang buo kundi ang katawan. (

5. Ito ang dahilan kung bakit hanggang ngayon, ang mga pari ni Dagon at ang lahat ng sumasamba sa Asdod ay hindi tumutuntong kahit sa may pintuan ng templo nito.)

6. Pinarusahan ni Yahweh ang mga mamamayan ng Asdod at kanilang karatig-bayan. Sila'y natadtad ng bukol bilang parusa ni Yahweh.

7. Dahil dito'y sinabi nila, “Kailangang alisin natin dito ang Kaban ng Diyos ng mga Israelita sapagkat pinaparusahan niya tayo at ang diyos nating si Dagon.”

8. Kaya ipinatawag nila ang mga pinuno ng mga Filisteo at pinag-usapan nila kung ano ang dapat gawin sa Kaban ng Diyos ng Israel.Nagkaisa silang dalhin iyon sa Lunsod ng Gat, at ganoon nga ang kanilang ginawa.

1 Samuel 5