13. “Narito ngayon ang haring hiningi ninyo, ibinigay na sa inyo ni Yahweh.
14. Kung mamumuhay kayong may takot kay Yahweh, kung maglilingkod kayo sa kanya at susundin ang kanyang kalooban, kung hindi kayo susuway sa kanyang mga utos, at kung kayo at ang inyong hari ay susunod kay Yahweh na inyong Diyos, magiging maayos ang inyong pamumuhay.
15. Ngunit kapag hindi kayo sumunod sa kanya, sa halip ay lumabag sa kanyang utos, paparusahan niya kayo.
16. Ngayon, tingnan ninyo ang kababalaghang gagawin ni Yahweh.
17. Ngayon ay anihan ng trigo. Idadalangin ko sa kanya na kumulog at umulan para makita ninyo kung gaano kalaki ang pagkakasalang ginawa ninyo kay Yahweh nang humingi kayo ng hari.”
18. Nanalangin nga si Samuel. Noon di'y kumulog at umulan. Silang lahat ay napuno ng matinding takot kay Yahweh, at kay Samuel.
19. Sinabi nila kay Samuel, “Ipanalangin mo kay Yahweh na huwag kaming mamatay dahil sa paghingi namin ng hari. Malaking kasalanan ang idinagdag namin sa marami na naming pagkakasala.”
20. “Huwag kayong matakot,” sabi ni Samuel. “Kahit malaki ang pagkakasala ninyo kay Yahweh, huwag kayong lalayo sa kanya. Ang kailangan ay paglingkuran ninyo siya nang buong puso. Huwag ninyo siyang tatalikuran.
21. Lumayo kayo sa mga diyus-diyosan. Hindi kayo maililigtas ni matutulungan ng mga iyan sapagkat hindi sila tunay na Diyos.
22. Hindi kayo pababayaan ni Yahweh, sapagkat iyon ang kanyang pangako. Kayo'y pinili niya bilang kanyang bayan.
23. Ipapanalangin ko kayo at tuturuan ng dapat ninyong gawin.
24. Subalit matakot kayo kay Yahweh. Manatili kayong tapat sa kanya, paglingkuran ninyo siya nang buong puso at lagi ninyong alalahanin ang mga kabutihang ginawa niya sa inyo.
25. Ngunit kung mananatili kayo sa inyong kasamaan, malilipol kayong lahat, pati ang inyong hari.”