1. Mga kapatid, kayo na rin ang nakakaalam na hindi nawalan ng kabuluhan ang pagpunta namin sa inyo.
2. Alam ninyong hinamak kami't ininsulto sa Filipos, ngunit sa kabila ng maraming hadlang, binigyan kami ng Diyos ng lakas ng loob na ipahayag sa inyo ang Magandang Balita.
3. Ang pangangaral namin sa inyo ay hindi batay sa kamalian, o sa masamang pagnanasa, o sa hangad na manlinlang.
4. Sapagkat minarapat ng Diyos na ipagkatiwala sa amin ang Magandang Balita, nangangaral kami sa inyo, hindi upang bigyang-kasiyahan ang tao, kundi ang Diyos na nakakasiyasat ng ating puso.
5. Alam ng Diyos at alam din ninyo na ang aming pangangaral ay hindi sa pamamagitan ng matatamis na pangungusap, o ng mga salitang nagkukubli ng kasakiman.
6. Hindi kami naghangad ng papuri ninyo o ninuman
7. kahit na, bilang mga apostol ni Cristo, ay may katuwiran kaming umasa ng ganoon. Ngunit naging magiliw kami sa inyo, tulad ng isang mapagkalingang ina sa kanyang mga anak.
8. Dahil sa laki ng aming pagmamahal sa inyo, hindi lamang namin inihandog ang aming sarili sa pangangaral sa inyo ng Magandang Balita, kundi maging ang aming buhay ay ihahandog din namin.
9. Mga kapatid, tiyak na natatandaan pa ninyo kung paano kami nagtrabaho at nagsikap araw-gabi para hindi kami makabigat kaninuman habang ipinapahayag namin sa inyo ang Magandang Balitang mula sa Diyos.
10. Saksi ang Diyos at saksi rin namin kayo, kung paanong naging dalisay, matuwid, at walang kapintasan ang aming pakikitungo sa inyo na mga sumasampalataya.
11. Tulad ng alam ninyo, kami'y naging parang ama sa bawat isa sa inyo.
12. Pinayuhan namin kayo, pinalakas namin ang inyong loob, at hinikayat na mamuhay nang tapat sa paningin ng Diyos na tumawag sa inyo upang mapabilang sa kanyang kaharian at kaluwalhatian.