1. Hindi ba ako malaya? Hindi ba ako apostol? Hindi ba't nakita ko si Jesus na ating Panginoon? Hindi ba kayo ang bunga ng aking paglilingkod sa kanya?
2. Ang iba'y ayaw kilalanin ang aking pagka-apostol, subalit para sa inyo, ako'y isang apostol, at kayo ang katibayang ako'y apostol nga ng Panginoon.
3. Ito ang sagot ko sa mga pumupuna sa akin.
4. Wala ba kaming karapatang tustusan ng iglesya sa aming pangangailangan?
5. Wala ba kaming karapatang magsama ng asawang Cristiano, tulad ng ginagawa ng ibang mga apostol, at ng mga kapatid ng Panginoon, at gayundin ni Pedro?
6. Kami lamang ba ni Bernabe ang walang karapatang tumigil sa paghahanapbuhay?
7. Ang kawal ba ang gagastos para sa kanyang sariling pangangailangan habang naglilingkod siya? Sinong tao ang nagtatanim ng ubas at di nakikinabang sa mga bunga nito? Sinong pastol ang nag-aalaga ng tupa at di nakikinabang sa gatas nito?
8. Ang sinasabi ko ay hindi nababatay sa kaisipan lamang ng tao. Ganoon din ang sinasabi ng Kautusan.
9. Sapagkat nasusulat sa Kautusan ni Moises, “Huwag mong bubusalan ang bibig ng baka habang ito'y gumigiik.” Mga baka nga kaya ang inaalala ng Diyos?
10. Hindi ba tayo ang tinutukoy niya? Alang-alang sa atin kaya iyon isinulat, sapagkat ang magsasakang nag-aararo at ang naghihiwalay ng mga butil sa uhay ay gumagawa sa pag-asang may kaparte sila sa aanihin.
11. Naghasik kami sa inyo ng pagpapalang espirituwal; malaking bagay ba naman kung umani kami ng mga materyal na pakinabang mula sa inyo?
12. Kung ang iba'y may ganitong karapatan, lalo na kami!Ngunit hindi namin ginamit ang karapatang ito. Tiniis namin ang lahat upang hindi kami maging hadlang sa Magandang Balita tungkol kay Cristo.