1 Mga Taga-Corinto 8:7-13 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

7. Subalit hindi lahat ay nakakaalam nito. May mga taong nasanay na sa pagsamba sa mga diyus-diyosan noong una, kaya't hanggang ngayon, kapag kumakain sila ng ganoong pagkain, inaakala pa rin nila na iyon ay handog sa diyus-diyosan. Dahil kulang pa ang kanilang kaalaman, ang akala nila'y nagkasala sila kapag kumain sila niyon.

8. Ang pagkain ay walang kinalaman sa katayuan natin sa harap ng Diyos. Walang mawawala sa atin kung hindi tayo kumain ng ganoong pagkain, at wala ring kabutihang maidudulot sa atin kung kumain man tayo niyan.

9. Ngunit mag-ingat kayo, baka ang paggamit ninyo ng kalayaang kumain ng anumang pagkain ay maging sanhi ng pagkakasala ng mahihina pa sa pananampalataya.

10. Kung ikaw na may sapat na kaalaman ay kumakain sa loob ng templo ng mga diyus-diyosan, at makita ka ng mahina pa sa pananampalataya, hindi kaya siya mabuyong kumain niyon kahit inihandog sa diyus-diyosan?

11. Dahil sa inaakala mong “kaalaman” ay napapahamak ang iyong mahinang kapatid na tinubos din ng kamatayan ni Cristo.

12. Sa ganoong paraan, nagkakasala kayo kay Cristo dahil itinulak ninyo sa pagkakasala ang inyong kapatid sa paggawa ng mga bagay na labag sa kanyang budhi.

13. Kaya nga, kung dahil sa pagkain ng karne ay magkakasala ang aking kapatid, hindi na ako kakain niyon upang hindi siya magkasala.

1 Mga Taga-Corinto 8