1 Mga Taga-Corinto 7:22-33 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

22. Ang isang alipin noong tawagin ng Panginoon ay malaya na dahil sa Panginoon. Gayundin naman, ang taong malaya nang siya'y tawagin ni Cristo ay naging alipin ni Cristo.

23. Malaking halaga ang ipinantubos sa inyo ng Diyos; huwag kayong paaalipin sa mga tao.

24. Mga kapatid, anuman ang kalagayan ninyo sa buhay nang kayo'y tawagin, manatili kayo sa gayong pakikiisa sa Diyos.

25. Tungkol naman sa mga taong walang asawa, wala akong maibibigay na utos mula sa Panginoon. Ngunit magbibigay ako ng aking opinyon bilang isang taong mapagkakatiwalaan sapagkat kinahabagan ako ng Panginoon.

26. Dahil sa matinding kahirapan sa kasalukuyan, inaakala kong mabuti pa sa isang tao ang manatili sa kanyang kalagayan.

27. Ikaw ba'y isang lalaking may asawa na? Huwag kang makipaghiwalay. Wala ka pa bang asawa? Huwag mo nang hangaring magkaasawa.

28. Ngunit kung ikaw ay mag-aasawa, hindi ka nagkakasala. Kung ang isang dalaga ay mag-asawa, hindi rin siya nagkakasala. Ngunit ang nag-aasawa ay magdaranas ng mga kahirapan sa buhay na ito, at iyan ang nais kong maiwasan ninyo.

29. Mga kapatid, ito ang ibig kong sabihin: malapit na ang wakas ng panahon, kaya't mula ngayon, ang may asawa ay mamuhay na parang walang asawa;

30. ang mga nananangis, na parang di nananangis; ang mga nagagalak, na parang di nagagalak; ang namimili, na parang walang ari-arian,

31. at ang mga may tinatamasa sa sanlibutang ito, na parang wala silang tinatamasa. Sapagkat ang lahat ng bagay sa daigdig na ito'y hindi na magtatagal.

32. Nais kong mailayô kayo sa mga alalahanin sa buhay. Ang pinagkakaabalahan ng lalaking walang asawa ay ang mga gawaing ukol sa Panginoon—kung paano niya mabibigyan ng kaluguran ang Panginoon.

33. Ngunit ang pinagkakaabalahan ng lalaking may asawa ay ang mga bagay ng sanlibutang ito—kung paano niya mabibigyang kaluguran ang kanyang asawa.

1 Mga Taga-Corinto 7