1 Mga Taga-Corinto 3:9-23 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

9. Kami'y kapwa manggagawa ng Diyos at kayo ang kanyang bukirin.Kayo rin ay gusali ng Diyos.

10. Ayon sa kagandahang-loob ng Diyos sa akin, inilagay ko ang pundasyon, tulad ng isang mahusay na tagapagtayo. Iba naman ang nagpapatuloy sa pagtatayo ng gusali. Ngunit dapat maging maingat ang bawat nagtatayo,

11. sapagkat wala nang ibang pundasyong maaaring ilagay maliban sa nailagay na, walang iba kundi si Jesu-Cristo.

12. May nagtatayo na gumagamit ng ginto, pilak, o mahahalagang bato; mayroon namang gumagamit ng kahoy, damo, o dayami.

13. Makikilala ang uri ng gawa ng bawat isa sa Araw ng Paghuhukom sapagkat mahahayag sa pamamagitan ng apoy kung anong uri ang ginawa ng bawat isa.

14. Kung ang itinayo sa ibabaw ng pundasyon ay hindi masunog, tatanggap ng gantimpala ang nagtayo noon.

15. Ngunit kung masunog naman, mawawalan siya ng gantimpala. Gayunman, maliligtas siya, kaya lang ay para siyang nagdaan sa apoy.

16. Hindi ba ninyo alam na kayo'y templo ng Diyos at naninirahan sa inyo ang kanyang Espiritu?

17. Paparusahan ng Diyos ang sinumang magwasak ng templo niya. Sapagkat banal ang templo ng Diyos, at kayo ang templong iyan.

18. Huwag dayain ninuman ang kanyang sarili. Kung may nag-aakalang siya'y matalino ayon sa sanlibutang ito, aminin niyang siya'y mangmang upang maging tunay na marunong.

19. Sapagkat ang karunungan ng sanlibutang ito ay kamangmangan sa paningin ng Diyos. Gaya ng nasusulat, “Hinuhuli niya ang marurunong sa kanila na ring katusuhan.”

20. Gayundin, “Batid ng Panginoon na ang iniisip ng marurunong ay walang kabuluhan.”

21. Kaya't huwag ipagmalaki ninuman ang nagagawa ng tao. Para sa inyo ang lahat ng ito,

22. si Pablo, si Apolos, at si Pedro, ang sanlibutang ito, ang buhay, ang kamatayan, ang kasalukuyan, at ang hinaharap; lahat ng ito'y para sa inyo.

23. At kayo'y para kay Cristo, at si Cristo nama'y para sa Diyos.

1 Mga Taga-Corinto 3