1 Mga Taga-Corinto 14:9-25 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

9. Gayundin naman, paanong malalaman ninuman ang nais ninyong sabihin kung magsasalita kayo sa pamamagitan ng wikang hindi naman nila nauunawaan? Para kayong nakikipag-usap sa hangin.

10. Maraming iba't ibang wika sa daigdig, at bawat isa ay may kahulugan,

11. ngunit kung hindi ako marunong ng wikang ginagamit ng aking kausap, hindi kami magkakaintindihan.

12. Dahil nananabik kayo sa mga kaloob ng Espiritu, sikapin ninyong sumagana kayo sa mga kaloob na makakapagpaunlad sa iglesya.

13. Dahil dito, kailangang manalangin ang nagsasalita ng iba't ibang mga wika na bigyan din siya ng kaloob na makapagpaliwanag nito.

14. Kung nananalangin ako sa wikang iyan, nananalangin nga ang aking espiritu ngunit walang pakinabang ang aking pag-iisip.

15. Ano ang dapat kong gawin? Mananalangin ako sa pamamagitan ng aking espiritu, ngunit gagamitin ko rin ang aking pag-iisip sa aking pananalangin. Ako'y aawit sa pamamagitan ng espiritu, ngunit gagamitin ko rin ang aking pag-iisip sa aking pag-awit.

16. Kung nagpapasalamat ka sa Diyos sa pamamagitan ng espiritu lamang, paanong makakapagsabi ng “Amen” ang isang taong naroroon kung hindi niya nauunawaan ang iyong sinasabi?

17. Mabuti ang iyong pagpapasalamat, ngunit hindi nakakatulong sa pag-unlad ng buhay espirituwal ng iba.

18. Nagpapasalamat ako sa Diyos sapagkat ako'y nakakapagsalita sa iba't ibang mga wika, higit kaysa sa inyong lahat.

19. Ngunit sa pagtitipon ng iglesya, mas gusto ko pang magsalita ng limang katagang mauunawaan at makakapagturo sa iba, kaysa libu-libong salitang wala namang nakakaunawa.

20. Mga kapatid, huwag kayong maging isip-bata. Maging tulad kayo ng mga batang walang malay kung tungkol sa kasamaan, ngunit sa inyong pang-unawa, maging tulad kayo ng matatanda.

21. Ganito ang nakasulat sa Kautusan:“Sinabi ng Panginoon,‘Magsasalita ako sa bayang ito, sa pamamagitan ng mga taong may ibang wika,sa pamamagitan ng labi ng mga banyaga,ngunit hindi pa rin nila ako papakinggan.’”

22. Kung gayon, ang kaloob na makapagsalita sa iba't ibang mga wika ay isang palatandaan para sa mga di sumasampalataya, hindi para sa mga mananampalataya. Ngunit ang kaloob na makapagpahayag ng mensaheng mula sa Diyos ay palatandaan para sa mga mananampalataya at hindi sa mga di sumasampalataya.

23. Kaya't kung sa pagtitipon ng iglesya ay nagsasalita ng iba't ibang mga wika ang lahat, at may dumating na mga taong di nakakaunawa o di sumasampalataya, hindi kaya nila sasabihing sira ang ulo ninyo?

24. Ngunit kung ang lahat ay nagpapahayag ng mensaheng mula sa Diyos, at dumating doon ang isang di nakakaunawa, o di sumasampalataya, makikilala niyang siya'y makasalanan, madarama ang kanyang tunay na kalagayan,

25. at malalaman niya ang mga lihim ng kanyang puso. Kaya't luluhod siya, sasamba sa Diyos, at sasabihing, “Talagang ang Diyos ay nasa inyo.”

1 Mga Taga-Corinto 14