1 Mga Taga-Corinto 14:31-40 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

31. Sapagkat kayong lahat ay maaaring isa-isang magpahayag ng mensaheng mula sa Diyos upang matuto ang lahat at mapalakas ang loob nila.

32. Ang kaloob na pagpapahayag ng mensaheng mula sa Diyos ay dapat napipigil ng tumanggap ng kaloob na iyon,

33. sapagkat ang Diyos ay di nalulugod sa kaguluhan dahil siya ang Diyos ng kaayusan at kapayapaan.Gaya ng dapat mangyari sa lahat ng iglesya ng mga hinirang ng Diyos,

34. ang mga babae ay kailangang manahimik sa mga pagtitipon sa iglesya. Sapagkat hindi ipinapahintulot sa kanila sa ganoong mga pagtitipon ang magsalita; kailangang sila'y pasakop, gaya ng sinasabi ng Kautusan.

35. Kung mayroon silang nais malaman, magtanong sila sa kanilang asawa pagdating nila sa bahay; sapagkat kahiya-hiyang magsalita ang isang babae sa loob ng iglesya.

36. Inaakala kaya ninyong sa inyo nagmula ang salita ng Diyos, o kayo lamang ang tumanggap nito?

37. Kung inaakala ninuman na siya'y tumanggap ng pahayag mula sa Diyos, o anumang kaloob ng Espiritu, dapat niyang kilalanin na ang isinusulat ko sa inyo ay utos ng Panginoon.

38. Ang ayaw kumilala nito ay huwag din ninyong kilalanin.

39. Kaya, mga kapatid ko, hangarin ninyo na makapagpahayag ng mensaheng mula sa Diyos, ngunit huwag naman ninyong ipagbawal ang pagsasalita sa iba't ibang mga wika.

40. Kaya lang, gawin ninyo ang lahat ng bagay sa wasto at maayos na paraan.

1 Mga Taga-Corinto 14