1 Mga Taga-Corinto 12:20-31 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

20. Ngunit ang totoo'y marami ang mga bahagi, ngunit iisa lamang ang katawan.

21. Hindi rin naman masasabi ng mata sa kamay, “Hindi kita kailangan,” ni ng ulo, sa mga paa, “Hindi ko kayo kailangan.”

22. Sa katunayan, ang mga bahaging parang mahihina ang siya pa ngang kailangang kailangan.

23. Ang mga bahagi ng katawan na inaakala nating hindi gaanong kapuri-puri ay pinag-uukulan ng higit na pagpapahalaga. Ang mga bahaging hindi likas na maganda ang siya nating higit na pahalagahan.

24. Hindi na ito kailangang gawin sa mga bahaging sadyang maganda. Nang isaayos ng Diyos ang ating katawan, binigyan niya ng higit na karangalan ang mga bahaging di gaanong marangal,

25. upang hindi magkaroon ng pagkakabaha-bahagi, at sa halip ay magmalasakit sa isa't isa.

26. Kung nasasaktan ang isang bahagi, nasasaktan ang lahat; kung pinaparangalan ang isang bahagi, nagagalak ang lahat.

27. Kayo ngang lahat ang iisang katawan ni Cristo, at bawat isa sa inyo ay bahagi nito.

28. Naglagay ang Diyos sa iglesya, una, ng mga apostol; ikalawa, ng mga propeta; at ikatlo, ng mga guro. Naglagay rin siya ng mga gumagawa ng mga himala, mga nagpapagaling ng mga maysakit, mga tagatulong, mga tagapangasiwa, at mga nagsasalita sa iba't ibang mga wika.

29. Hindi lahat ay apostol, propeta o guro; hindi lahat ay binigyan ng kakayahang gumawa ng mga himala,

30. magpagaling ng mga maysakit, magsalita sa iba't ibang mga wika o magpaliwanag ng mga wikang ito.

31. Kaya't buong sikap ninyong hangarin ang mga kaloob na mas dakila.At ngayo'y ituturo ko sa inyo ang walang katulad sa lahat.

1 Mga Taga-Corinto 12