1. Naging kakampi ni Solomon ang Faraon, hari ng Egipto, nang kanyang pakasalan ang anak nito. Itinira niya ang prinsesa sa lunsod ni David habang hindi pa tapos ang kanyang palasyo, ang bahay ni Yahweh at ang pader ng Jerusalem.
2. Ngunit ang mga taong-bayan ay patuloy pang nag-aalay ng kanilang mga handog sa Diyos sa mga sagradong burol, sapagkat wala pa noong naitatayong bahay sambahan para kay Yahweh.
3. Mahal ni Solomon si Yahweh, at sinusunod niya ang mga tagubilin ng kanyang amang si David. Subalit nag-aalay din siya ng handog at nagsusunog ng insenso sa mga altar sa burol.
4. Minsan, pumunta si Solomon sa Gibeon upang maghandog, sapagkat iyon ang pinakatanyag na sagradong burol. Nakapag-alay na siya roon ng daan-daang handog na sinusunog.
5. Kinagabihan, samantalang siya'y naroon pa sa Gibeon, nagpakita sa kanya si Yahweh sa isang panaginip at tinanong siya, “Ano ang gusto mong ibigay ko sa iyo? Sabihin mo!” wika sa kanya.
6. Sumagot si Solomon, “Kinahabagan ninyo at tunay na minahal ang aking amang si David dahil naging tapat at matuwid siya sa inyo at naging malinis ang kanyang puso. At ipinagpatuloy ninyo ang inyong tapat na pagmamahal sa kanya nang bigyan ninyo siya ng isang anak na ngayo'y nakaupo sa kanyang trono.