21. Ngunit mayroong isang tumayo at nagsalita ng ganito: ‘Ako po ang hihikayat kay Ahab.’“‘Sa paanong paraan?’ tanong ni Yahweh.
22. “‘Pupunta po ako roon at magiging espiritung sinungaling na magsasalita sa pamamagitan ng kanyang mga propeta,’ sagot ng espiritu.“‘Ikaw ang humikayat sa kanya at magtatagumpay ka,’ sabi ni Yahweh.”
23. At patuloy ni Micaya, “Ngayon, nakikita mo kung paanong nagsalita ang espiritu ng kasinungalingan sa bibig ng iyong mga propeta. Ngunit si Yahweh ang nagtakda ng iyong kapahamakan.”
24. Nang marinig ito, lumapit si Zedekias at sinampal si Micaya. Sabi niya, “Kailan ka pa nagkaroon ng karapatang magsalita sa ngalan ng Espiritu ni Yahweh? At akala mo ba'y aalis siya sa akin?”
25. Sumagot si Micaya, “Malalaman mo ang sagot diyan pagdating ng araw na magtatago ka sa isang silid.”
26. Ipinag-utos ng hari, “Ibalik siya kay Amon, ang gobernador ng lunsod, at kay Prinsipe Joas.
27. Sabihin ninyo sa kanila na ibilanggo ang taong ito, at huwag pakainin kundi tinapay at tubig hanggang sa aking maluwalhating pagbabalik.”
28. Sinabi ni Micaya, “Kapag kayo'y nakabalik nang buháy, hindi nga si Yahweh ang nagsalita sa pamamagitan ko.” Sinabi pa niya, “Tandaan ninyo ang lahat ng sinabi ko.”
29. Pumunta nga sa Ramot-gilead si Ahab na hari ng Israel at si Jehoshafat na hari ng Juda.
30. Sinabi ng hari ng Israel kay Jehoshafat, “Magbabalatkayo ako papunta sa labanan. Ngunit ikaw ay maaaring magpatuloy na nakadamit-hari.” At nagbalatkayo nga ang hari ng Israel patungo sa labanan.
31. Iniutos ng hari ng Siria sa mga pinuno ng mga kawal na sakay sa karwahe, “Huwag ninyong pag-abalahan ang kung sinu-sino lamang! Ang hari ng Israel ang inyong harapin.”
32. Kaya't nang makita nila si Jehoshafat, inakala nilang ito ang hari ng Israel at siyang hinabol. Ngunit pagsigaw niya ng kanyang sigaw pandigma,
33. nakilala ng mga pinuno ng Siria na hindi siya ang hari ng Israel. At hindi na nila itinuloy ang paghabol.
34. Subalit may isang kawal na basta na lamang pumana at natamaan ang hari ng Israel. Tumusok ang palaso sa pagitan ng pinagdugtungan ng baluti sa dibdib. Kaya't iniutos niya sa kawal na nagpapatakbo ng karwahe, “Ibuwelta mo ang karwahe! May tama ako. Umalis na tayo rito.”
35. Mahigpit ang labanan nang araw na iyon at ang hari'y nanatiling nakatayo sa kanyang karwahe sa tapat ng mga Cireo hanggang sa siya'y mamatay nang lumulubog na ang araw. Dumanak ang dugo niya sa sahig ng karwahe.
36. Paglubog ng araw, narinig ng buong hukbo ng Israel ang sigaw, “Tumakas na kayo. Magsiuwi na kayong lahat!”