1 Mga Hari 2:5-13 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

5. “Alam mo ang ginawa sa akin ni Joab na anak ni Zeruias, nang patayin niya ang dalawang pinakamataas na pinuno ng hukbo ng Israel na si Abner at si Amasa na anak ni Jeter. Sa pagpatay niya sa dalawang ito, ipinaghiganti sa panahon ng kapayapaan ang dugong dumanak sa panahon ng digmaan. Sa gayo'y dinungisan niya ang aking pangalan bilang marangal na mandirigma.

6. Gawin mo sa kanya ang inaakala mong dapat gawin. Huwag mong hahayaang mamatay siya nang mapayapa.

7. “Ipagpatuloy mo ang magandang pakikitungo sa angkan ni Barzilai na taga-Gilead. Paglaanan mo sila ng upuan sa iyong hapag-kainan, sapagkat tinulungan nila ako noong ako'y tumatakas sa kapatid mong si Absalom.

8. “Huwag mo ring kalilimutan si Simei na taga-Bahurim, ang anak ni Gera na mula sa lipi ni Benjamin. Pinagmumura niya ako noong ako'y umalis patungo sa Mahanaim. Nang masalubong ko siya sa Jordan, ipinangako ko sa pangalan ni Yahweh na hindi ko siya papatayin.

9. Ngunit tiyakin mong siya'y mapaparusahan. Matalino kang tao at alam mo ang dapat gawin. Iparanas mo sa kanya ang lupit ng kamatayan.”

10. Namatay si Haring David at inilibing sa Lunsod ni David.

11. Apatnapung taon siyang naghari: pitong taon sa Hebron at tatlumpu't tatlong taon naman sa Jerusalem.

12. Kaya't nang maupo na si Solomon sa trono ni David bilang bagong hari, matatag na ang kanyang kaharian.

13. Samantala, nilapitan naman ni Adonias na anak ni Haguit ang ina ni Solomon na si Batsheba.“Kapayapaan ba ang pakay mo?” tanong ni Batsheba.“Opo! Kapayapaan po!” tugon ni Adonias,

1 Mga Hari 2