1 Mga Hari 17:3-16 Magandang Balita Biblia Revisi (RTPV05)

3. “Umalis ka rito at magtago ka sa batis ng Carit, sa silangan ng Jordan.

4. Maiinom mo ang tubig sa batis at may inutusan akong mga uwak na maghahatid sa iyo ng pagkain.”

5. Sinunod nga ni Elias ang sinabi ni Yahweh. Lumakad siya at nanirahan sa may batis ng Carit, sa silangan ng Jordan.

6. Umaga't hapon, may mga uwak na nagdadala sa kanya ng pagkain, at sa batis naman siya umiinom.

7. Ngunit dumating ang panahon na natuyo na rin ang batis.

8. Kaya sinabi sa kanya ni Yahweh,

9. “Umalis ka rito. Pumunta ka sa Sarepta, sa lupain ng Sidon. May inutusan akong isang biyuda na magpapakain sa iyo roon.”

10. Pumunta nga siya roon, at nang papasok na siya ng pintuan ng lunsod, nakita niya ang biyuda na namumulot ng panggatong. Sinabi niya sa babae, “Maaari po bang makiinom?”

11. Aalis na ang babae upang ikuha siya ng tubig nang pahabol niyang sabihin, “Kung maaari, bigyan mo na rin ako ng kapirasong tinapay.”

12. Sumagot ang babae, “Saksi si Yahweh, ang inyong buháy na Diyos na wala na kaming tinapay. Mayroon pa kaming kaunting harina at ilang patak na langis. Namumulot nga ako ng panggatong upang lutuin iyon at makakain man lamang kami ng anak ko bago kami mamatay.”

13. Sinabi sa kanya ni Elias, “Huwag kang mag-alala. Pumunta ka na at gawin mo ang iyong sinabi. Ngunit ipagluto mo muna ako ng isang maliit na tinapay, at pagkatapos magluto ka ng para sa inyo.

14. Sapagkat ganito ang sabi ni Yahweh, Diyos ng Israel:Hindi ninyo mauubos ang harina sa lalagyan,at hindi rin matutuyo ang langis sa tapayanhanggang hindi sumasapit ang takdang arawna papatakin na ni Yahweh ang ulan.”

15. Ginawa nga ng babae ang utos ni Elias at hindi naubos ang pagkain ni Elias at ng mag-ina sa loob ng maraming araw.

16. Hindi nga naubos ang harina sa lalagyan, at hindi rin natuyo ang langis sa sisidlan, tulad ng sinabi ni Yahweh sa pamamagitan ni Elias.

1 Mga Hari 17