9. sapagkat sinabi sa akin ni Yahweh na huwag akong kakain o iinom ng anuman, at pag-uwi ko'y huwag akong magbabalik sa aking dinaanan.”
10. Nag-iba nga ng daan ang propeta ng Diyos at hindi dumaan sa dinaanan niya patungo sa Bethel.
11. Nang panahong iyon, may isang matandang propetang nakatira sa Bethel. Dumating ang kanyang mga anak na lalaki at ibinalita ang mga nangyari sa Bethel nang araw na iyon. Isinalaysay nila ang ginawa ng propeta ng Diyos at ang nangyari sa hari.
12. “Saan siya dumaan nang siya'y umalis?” tanong ng ama. Itinuro ng mga anak ang dinaanan ng propeta ng Diyos na nanggaling sa Juda.
13. “Ihanda ninyo ang asnong sasakyan ko,” utos ng ama. Inihanda nga ng mga anak ang asno at sumakay ang propeta.
14. Hinabol niya ang propeta ng Diyos at inabutan niyang nagpapahinga sa lilim ng puno ng ensina. “Ikaw ba ang propeta ng Diyos na nanggaling sa Juda?” tanong niya.“Ako nga po,” sagot naman nito.
15. “Sumama ka sa akin sa aming tahanan upang makakain,” anyaya ng matandang propeta.
16. Sumagot naman ang propeta ng Diyos, “Hindi po ako maaaring sumama sa inyo pabalik; hindi rin po ako maaaring kumain o uminom ng anuman dito.
17. Sapagkat ganito ang utos sa akin ni Yahweh: ‘Huwag kang kakain o iinom ng anuman doon, at huwag ka ring babalik sa iyong dinaanan.’”
18. “Propeta rin akong tulad mo at sinabi sa akin ng isang anghel na inutusan ni Yahweh na dalhin kita sa bahay ko upang pakainin at painumin,” wika ng propeta. Ngunit nagsisinungaling lamang ang matandang propeta.
19. Sumama nga sa kanya ang propetang galing sa Juda. Kumain siya at uminom sa bahay ng matandang propeta.
20. Habang sila'y kumakain, dumating sa matandang propeta ang isang pahayag mula kay Yahweh.
21. Kaya't sumigaw siya sa propetang galing sa Juda, “Ganito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Sinuway mo ang aking utos;
22. bumalik ka sa iyong dinaanan at kumain ka at uminom dito sa lugar na ipinagbawal ko sa iyo. Dahil dito, ang bangkay mo ay hindi malilibing sa libingan ng iyong mga magulang.’”
23. Nang sila'y makakain, naghanda ang matandang propeta ng asnong masasakyan ng propetang galing sa Juda.
24. Sa kanyang pag-uwi, nakasalubong niya ang isang leon sa daan at siya'y pinatay nito. Nahandusay ang kanyang bangkay sa tabi ng daan at binantayan ng leon at ng asno.
25. May mga taong napadaan doon, at nakita nila ang bangkay sa tabi ng daan at ang leong nakabantay. Ibinalita nila sa bayan ang kanilang nakita, at nakarating ang balita sa matandang propeta.
26. Nang marinig niya ang nangyari ay kanyang sinabi, “Iyon ang propeta ng Diyos na lumabag sa iniutos sa kanya ni Yahweh. Kaya't pinabayaan siya ni Yahweh na makasalubong at lapain ng leon.”