3. Ang mga asawa niyang mula sa lipi ng mga hari ay pitong daan, at ang kanya namang mga asawang-lingkod ay tatlong daan.
4. Nang matanda na si Solomon, nahikayat siya ng mga ito na sumamba sa kanilang mga diyus-diyosan. Hindi siya nanatiling tapat kay Yahweh; hindi niya sinundan ang halimbawa ni David na kanyang ama.
5. Sumamba si Solomon kay Astarte, ang diyosa ng mga Sidonio at kay Milcom, ang karumal-dumal na diyos ng mga Ammonita.
6. Gumawa nga ng kasamaan si Solomon laban kay Yahweh, at hindi niya sinundan ang halimbawa ng kanyang amang si David, na buong katapatang naglingkod kay Yahweh.
7. Sa burol na nasa silangan ng Jerusalem ay nagtayo si Solomon ng sambahan para kay Cemos, ang karumal-dumal na diyos ng Moab, at para kay Molec, ang kasuklam-suklam na diyos ng mga Ammonita.
8. Ipinagpagawa niya ng kanya-kanyang mga altar ang mga diyus-diyosan ng lahat niyang mga asawang dayuhan, at ang mga ito'y nagsunog doon ng insenso at naghain ng mga handog.
9. Nagalit si Yahweh kay Solomon dahil sa ginawa niyang ito. Dalawang beses na nagpakita sa kanya si Yahweh
10. at pinagbawalan siyang maglingkod sa mga diyus-diyosan. Ngunit hindi niya sinunod si Yahweh.
11. Kaya nga't sinabi nito sa kanya, “Dahil sumira ka sa ating kasunduan at sinuway mo ang aking mga utos, aalisin ko sa iyo ang kaharian at ibibigay ko sa isang lingkod mo.
12. Ngunit alang-alang kay David na iyong ama, hindi ko gagawin ito sa panahon ng paghahari mo, kundi sa panahon ng paghahari ng iyong anak.
13. Isang lipi lamang ang ititira ko sa kanya alang-alang kay David na aking lingkod, at alang-alang sa Jerusalem, ang lunsod na aking pinili.”
14. Ipinahintulot ni Yahweh na magkaroon ng kaaway si Solomon: ang Edomitang si Hadad, buhat sa lipi ng mga hari ng Edom.
15. Nang masakop ni David ang Edom, pumunta roon si Joab, ang pinuno ng kanyang hukbo, upang ipalibing ang mga nasawi sa labanan.
16. Anim na buwan siyang nanatili sa Edom, kasama ang buong hukbo ng Israel, at hindi sila umalis hangga't hindi nila napapatay lahat ang mga lalaki roon.
17. Subalit si Hadad na bata pa noon ay nakatakas patungo sa Egipto sa tulong ng ilang Edomitang tauhan ng kanyang ama.
18. Buhat sa Midian nagtungo sila sa Paran, at doo'y nakakuha sila ng ilan pang mga lalaki na isinama nila sa Egipto. Tinanggap siya ng Faraon, ang hari ng Egipto, binigyan ng bahay, lupa at lahat ng kailangan.
19. Napamahal si Hadad sa Faraon, at napangasawa niya ang hipag nito, ang kapatid na babae ni Reyna Tafnes.
20. Nagkaanak sila ng isang lalaki na tinawag nilang Genubat. Nang ito'y maaaring ihiwalay sa ina, ito'y kinuha ng reyna at pinalaki sa palasyo, kasama ng mga anak ng Faraon.