1. Ang lahat ng mamamayan ng Israel ay naitala ayon sa kanya-kanyang lipi. Ito'y nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. Ang mga taga-Juda ay ipinatapon sa Babilonia bilang parusa sa kanilang kasamaan.
2. Ang mga unang bumalik sa kanilang mga lunsod at lupain ay ang mga pari, mga Levita, mga tagapaglingkod sa Templo at mga karaniwang mamamayan.
3. May mga angkan sina Juda, Benjamin, Efraim at Manases na tumira sa Jerusalem.
4. Sa angkan naman ni Peres na anak ni Juda ay si Utai na anak ni Amihud at apo ni Omri. Ang iba pang angkan niya ay sina Imri at Bani.
5. Sa angkan ni Sela, si Asaya ang pinakamatanda at ang mga anak niya.
6. Sa angkan ni Zera, si Jeuel at ang kanyang mga angkan, lahat-lahat ay 690 pamilya.
7. Sa lipi naman ni Benjamin: si Sallu, na anak ni Mesulam, na anak ni Hodavias na anak naman ni Asenua.
8. Si Ibnias na anak ni Jeroham; si Ela na anak ni Uzi na anak naman ni Micri, si Mesulam na anak ni Sefatias, na anak ni Reuel na anak ni Ibnia.
9. Ang kabuuan ng kanilang mga angkan ay umaabot sa 956. Lahat sila'y pinuno ng kani-kanilang sambahayan.
10. Sa pangkat naman ng mga pari ay kabilang sina Jedaias, Joiarib at Jaquin.
11. Si Azarias na anak ni Hilkias ang pinakapuno sa Templo. Ang mga ninuno niya'y sina Zadok, Meraiot at Ahitob.
12. Kasama rin si Adaya na anak ni Jeroham at apo ni Pashur na anak ni Malquias. Anak ni Malquias si Masai at apo ni Adiel. Ito'y anak ni Jazera na anak ni Mesulam na anak ni Mesilemit na anak ni Imer.
13. Ang mga ito'y pinuno ng kani-kanilang sambahayan, pawang may kakayahan sa paglilingkod sa Templo at ang bilang nila ay umaabot sa 1,760.
14. Ito naman ang listahan ng mga Levita: sa angkan ni Merari ay si Semaya na anak ni Hasub at apo ni Azrikam na anak naman ni Hashabias.
15. Kabilang din sina Bacbacar, Heres at Galal. Si Matanias ay anak ni Mica na anak ni Zicri na mula sa angkan ni Asaf.
16. Sa angkan ni Jeduthun ay kabilang si Obadias na anak ni Semaya at apo ni Galal, at si Berequias na anak ni Asa at apo ni Elkana. Sa mga nayon ng Netofa sila naninirahan.
17. Ang mga bantay sa pinto ng Templo ay sina Sallum, Akub, Talmon at Ahiman. Ang pinuno nila ay si Sallum.
18. Sila ang bantay sa pintong-pasukan ng hari sa gawing silangan ng Templo at dating bantay sa kampo ng mga anak ni Levi.
19. Si Sallum ay anak ni Korah at apo ni Ebiasaf na anak ni Korah. Kasama nila ang iba pang mula sa angkan ni Korah. Sila ang nakakaalam sa pagpasok sa Templo, gaya ng kanilang mga ninuno noong sila pa ang namahala sa kampo.
20. Si Finehas na anak ni Eleazar ang tagapamahala nila noon, at pinapatnubayan siya ni Yahweh.