10. Ang sinumang sumasampalataya sa Anak ng Diyos ay naniniwala sa patotoong ito. Ngunit ang Diyos ay ginagawang sinungaling ng sinumang hindi sumampalataya sa Diyos, sapagkat hindi ito naniniwala sa patotoo niya tungkol sa kanyang Anak.
11. At ito ang patotoo: ipinagkaloob sa atin ng Diyos ang buhay na walang hanggan at ito'y makakamtan natin sa pamamagitan ng kanyang Anak.
12. Ang sinumang pinapanahanan ng Anak ng Diyos ay mayroong buhay na walang hanggan, ngunit ang hindi pinapanahanan ng Anak ng Diyos ay hindi makakaranas ng buhay na walang hanggan.
13. Isinusulat ko ito sa inyo upang malaman ninyo na kayong sumasampalataya sa Anak ng Diyos ay may buhay na walang hanggan.
14. Hindi tayo nag-aatubiling lumapit sa kanya dahil alam nating ibibigay niya ang anumang hingin natin kung ito'y naaayon sa kanyang kalooban.
15. At dahil alam nating pinapakinggan nga niya tayo, alam din nating ibinibigay niya ang bawat hinihiling natin sa kanya.
16. Kung makita ninuman na ang kanyang kapatid ay gumagawa ng kasalanang di hahantong sa kamatayan, ipanalangin niya ang kapatid na iyon sa Diyos na magbibigay sa kanya ng bagong buhay. Ito'y para sa mga kapatid na ang kasalanan ay hindi humahantong sa kamatayan. May kasalanang hahantong sa kamatayan, at hindi ko sinasabing idalangin ninyo ang sinumang gumagawa nito.
17. Ang lahat ng gawaing di matuwid ay kasalanan, ngunit may kasalanang hindi hahantong sa kamatayan.
18. Alam nating ang mga anak ng Diyos ay hindi nagpapatuloy sa pagkakasala, sapagkat iniingatan sila ni Jesu-Cristo, at hindi sila maaaring galawin ng diyablo.
19. Alam nating tayo'y mga anak ng Diyos, kahit na ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng diyablo.
20. At nalalaman nating naparito na ang Anak ng Diyos at binigyan niya tayo ng pang-unawa upang makilala natin ang tunay na Diyos, at tayo'y nasa tunay na Diyos, sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo. Siya ang tunay na Diyos at buhay na walang hanggan.
21. Mga anak, lumayo kayo sa mga diyus-diyosan.