Tobit 12:9-22 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

9. Ang gumagawa nito ay naliligtas sa kamatayan at dinadalisay sa bawat kasalanan. Hahaba ang buhay niya,

10. ngunit ang nagugumon sa pagkakasala ay kaaway ng sarili niya.

11. “Kailangang malaman na ninyo ang katotohanan; wala akong ililihim sa inyo. Natatandaan ninyong sinabi ko na ang mga inililihim ng hari ay hindi dapat ibunyag, ngunit ang mga gawa ng Diyos ay dapat ngang ipahayag.

12. Ngayon ko sasabihin sa inyo na noong manalangin ka, Tobit, at ang manugang mong si Sara sa Panginoon, ako ang nagharap ng dalangin ninyo sa Diyos. Gayundin ang ginagawa ko tuwing may inililibing ka.

13. Alam kong kahit ka kumakain ay iniiwan mo ang hapag para lamang maglibing ng patay.

14. Bumabâ ako rito para subukin ka. Ako rin ang isinugo ng Diyos para pagalingin ka at ang iyong manugang na si Sara.

15. Ako si Rafael, isa sa pitong anghel na humaharap sa Diyos para maglingkod sa kanya.”

16. Sa takot ng dalawa, sila'y nagpatirapa.

17. “Huwag kayong matakot,” wika ni Rafael, “pumayapa kayo. Magpasalamat kayo sa Diyos habang kayo'y nabubuhay.

18. At huwag ninyo akong intindihin, hindi ninyo dapat kilalaning utang na loob ito sa akin. Sinusunod ko lamang ang kalooban ng Diyos. Patuloy kayong magpasalamat sa kanya, at umawit ng pagpupuri habang kayo'y nabubuhay.

19. Kung nakikita ninyo akong kumakain at umiinom, ang nakikita ninyo'y pangitain lamang.

20. Tumayo kayo at magpuri sa Diyos, sapagkat ako'y aakyat na sa kanya. Ang lahat ng nangyari sa inyo ay inyong isulat.”

21. Nang sila'y tumayo, wala na si Rafael.

22. Bunga ng lahat ng ito, patuloy silang nagpuri sa Diyos at umawit ng pasasalamat dahil sa mga ginawa ng Diyos sa pamamagitan ng anghel na nagpakita sa kanila.

Tobit 12