Susana 1:55-64 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

55. Sinabi ni Daniel, “Kung gayon, buhay mo ang kapalit ng iyong sagot, sapagkat ibinigay na ng Diyos sa kanyang anghel ang parusa mo at hahatiin ka sa dalawa.”

56. Inilayo siya roon, at ipinatawag ang kanyang kasama. Paglapit nito, sinabi ni Daniel, “Ikaw naman malupit na Canaanita na hindi mula sa angkan ni Juda. Binihag ng alindog ng babae ang iyong isip at inalipin ng kahalayan ang iyong puso.

57. Alam na namin ngayon ang ginagawa mo sa kababaihan ng Israel. Tinatakot mo sila para pagbigyan ang iyong kahalayan. Subalit narito ang isang babae ng Juda na hindi kayang sikmurain ang iyong kabuktutan!

58. Sabihin mo, sa ilalim ng anong puno ninyo nakita ang inyong pinagbibintangan?”At sumagot ang matanda, “Sa ilalim ng malaking puno ng roble.”

59. “Kung gayon!” sagot naman ni Daniel, “Buhay mo ang katumbas ng kasinungalingang ito, sapagkat naghihintay na ang anghel ng Diyos upang putulin ka sa pamamagitan ng espada. Sa gayon, pareho kayong mapapahamak.”

60. Dahil dito, nagsigawan sa tuwa ang lahat ng naroroon at nagpuri sila sa Diyos sapagkat iniligtas niya ang mga nagtitiwala sa kanya.

61. Binalingan nila ang dalawang hukom matapos patunayan ni Daniel na sila'y nagsisinungaling at nanumpa nang hindi totoo.

62. Hinatulan silang mamatay. Ayon sa Kautusan ni Moises, ang nagparatang nang hindi totoo ay siyang lalapatan ng parusang nakatakda sa kasalanang ipinaratang niya. Naligtas nga sa kamatayan ang isang taong walang kasalanan nang araw na iyon.

63. Si Hilkias at ang kanyang asawa ay nagpuri sa Diyos sapagkat napatunayang hindi totoo ang mga ipinaratang kay Susana. Gayon din ang pasasalamat ng asawa niyang si Joakim at lahat ng kanyang mga kamag-anak.

64. At mula noon, si Daniel ay dinakila ng kanyang mga kababayan.

Susana 1