29. Sa harapan ng lahat ay ipinag-utos nilang tawagin si Susana, ang anak ni Hilkias at kabiyak ni Joakim.
30. Dumating ang babae, kasama ang kanyang mga magulang, mga anak, at lahat ng kanyang kamag-anak.
31. Si Susana ay napakaganda at napakahinhin.
32. May takip na belo ang kanyang mukha, subalit iniutos ng dalawang masamang hukom na alisin iyon upang pagsawaang tingnan ang kagandahan ni Susana.
33. Lungkot na lungkot namang nag-iiyakan ang pamilya ni Susana, maging ang mga taong naroroon.
34. Tumayo ang dalawang hukom, ipinatong sa ulo ni Susana ang mga kamay nila at ipinahayag ang kanilang mga paratang laban kay Susana.
35. Napatingala na lamang sa langit ang lumuluhang si Susana sapagkat tunay na nananalig siya sa Panginoon.
36. Sinabi ng mga hukom, “Naglalakad kami sa hardin nang pumasok ang babaing ito, kasama ang kanyang dalawang katulong. Isinara niya ang mga pinto ng hardin, saka pinaalis ang mga katulong.
37. Hindi nagtagal, lumabas sa pinagkukublihan ang isang binata at silang dalawa'y nagtalik.
38. Naroon kami sa isang sulok ng hardin. Pagkakita namin sa kanilang ginagawang kasamaan, lumapit kami.
39. Kahit na nakita namin sila na nagyayakapan, hindi namin napigilan ang lalaki. Higit na malakas siya kaysa amin, kaya't madali niyang nabuksan ang pinto at tumakas.
40. Itong babae ang pinigilan namin at tinanong kung sino ang binatang iyon, subalit ayaw niyang magtapat. Nanunumpa kaming ang aming ipinahayag ay pawang katotohanan.”
41. Sapagkat kinikilala silang pinuno ng bayan at mga hukom pa, pinaniwalaan ng mga tao ang kanilang salaysay at nagkaisang parusahan ng kamatayan si Susana.
42. Dahil dito, malakas na sinabi ni Susana, “Diyos na walang hanggan, nalalaman po ninyo ang lahat ng lihim at nakikita ang lahat ng bagay bago pa mangyari.
43. Alam po ninyo na walang katotohanan ang ibinibintang nila sa akin. Bakit ako papatayin gayong hindi ko naman ginawa ang ibinibintang nila sa akin?”