16. Wala nang iba pang nasa hardin kundi ang nagkukubling dalawang hukom na naninilip sa kanya.
17. Sinabi ni Susana sa kanyang mga katulong, “Dalhan ninyo ako ng pabango at langis ng olibo, at isara ninyo ang mga pinto para makapaligo na ako.”
18. Sumunod naman ang mga inutusan. Isinara nga nila ang mga pinto ng hardin. Lumabas sila sa maliit na pinto sa tagiliran upang kunin ang kanyang kailangan. Hindi nila nakita ang nagtatagong dalawang hukom.
19. Pagkaalis ng mga katulong, mabilis na lumapit kay Susana ang dalawang hukom.
20. “Sarado ang mga pinto at walang makakakita sa atin,” sabi nila kay Susana. “Sabik na sabik kami sa iyo, kaya't pagbigyan mo na ang aming kahilingan.
21. Kapag tumanggi ka, sasabihin naming nahuli ka namin na nakikipagtagpo sa isang binata, kaya mo pinaalis ang iyong mga katulong.”
22. Litung-lito si Susana at nasabi niya, “Wala akong lusot. Kung papayag ako sa inyo, paparusahan ako ng kamatayan. Kapag tumanggi naman ako, maghihiganti kayo sa akin.
23. Ngunit mamatamisin ko pang lasapin ang tindi ng inyong higanti kaysa magkasala ako laban sa Panginoon.”
24. Pagkasabi niyon ay malakas na nagsisigaw si Susana, ngunit sinabayan siya ng paratang ng dalawang lalaki.
25. Ang isa'y tumakbo sa pinto at binuksan ito.
26. Narinig sa buong kabahayan ang ingay sa hardin, kaya't nagmamadaling pumasok ang mga utusan sa pinto sa tagiliran para alamin kung ano ang nangyayari roon.