10. Kapwa sila nag-aalab sa pagnanasa kay Susana, ngunit inililihim nila sa isa't isa ang kanilang nadarama,
11. sapagkat nahihiya silang aminin ang kanilang pagnanasa.
12. Kaya't buong pananabik nilang hinihintay ang gayong oras bawat araw upang makita si Susana.
13. Isang araw, sabi nila sa isa't isa, “Umuwi na tayo! Oras na ng pananghalian.”
14. Naghiwalay nga sila ngunit nagbalik agad upang sundan ng tingin si Susana. Hindi sinasadya'y nagkasalubong sila. Noong una'y sinikap nilang ipaliwanag ang dahilan kung bakit naroon sila, ngunit sa huli ay inamin nila ang tunay nilang nadarama. Kaya't nagkasundo silang abangan si Susana habang ito ay nag-iisa.
15. At dumating ang pagkakataon. Gaya nang dati, si Susana ay pumasok sa hardin na kasama ang dalawa niyang katulong. Napakainit noon kaya't naisipan niyang maligo.
16. Wala nang iba pang nasa hardin kundi ang nagkukubling dalawang hukom na naninilip sa kanya.
17. Sinabi ni Susana sa kanyang mga katulong, “Dalhan ninyo ako ng pabango at langis ng olibo, at isara ninyo ang mga pinto para makapaligo na ako.”
18. Sumunod naman ang mga inutusan. Isinara nga nila ang mga pinto ng hardin. Lumabas sila sa maliit na pinto sa tagiliran upang kunin ang kanyang kailangan. Hindi nila nakita ang nagtatagong dalawang hukom.
19. Pagkaalis ng mga katulong, mabilis na lumapit kay Susana ang dalawang hukom.