Si Bel At Ang Dragon 1:6-12 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

6. Nagtanong muli ang hari, “Ang ibig mo bang sabihin ay hindi buháy na diyos si Bel? Hindi mo ba nakikita kung gaano karami ang kinakain niya't iniinom araw-araw?”

7. Tumawa si Daniel at sumagot, “Huwag kayong palinlang, Kamahalan. Iyang si Bel ay putik lamang na binalot ng tanso. Wala siyang anumang kinakain o iniinom.”

8. Nagalit ang hari at ipinatawag ang mga pari ni Bel at galit na sinabing, “Kapag hindi ninyo sinabi sa akin kung sino ang kumakain ng mga pagkaing ito, kayo'y mamamatay.

9. Subalit kung mapatunayan naman ninyong si Bel nga ang kumakain nito, si Daniel ang mamamatay sapagkat sinabi niyang hindi diyos si Bel.”At sinabi ni Daniel sa hari, “Mangyari ang inyong sinabi.”

10. Pitumpu ang mga pari ni Bel, bukod pa sa kanilang mga asawa't anak. Pumasok sa templo ni Bel ang hari, kasama si Daniel.

11. Sinabi ng mga pari sa hari, “Mahal na hari, kami po'y lalabas. Kayo na po ang maglagay ng pagkain at alak sa dambana ni Bel. Pagkatapos, isara ninyo ang pinto at tatakan ng inyong singsing.

12. Pagbalik ninyo bukas ng umaga at makita ninyong hindi inubos ni Bel ang lahat ng ito, kami ang mamamatay. Ngunit kung inubos niya, si Daniel na nagbintang sa amin ng hindi totoo ang siyang mamamatay.”

Si Bel At Ang Dragon 1