31. Itinapon nila si Daniel sa yungib ng mga leon, at siya'y nanatili roon sa loob ng anim na araw.
32. Pito ang leong nasa yungib na iyon at bawat araw ay dalawang tao at dalawang tupa ang ipinakakain sa kanila. Ngunit sa loob ng anim na araw na iyon ay hindi sila binigyan ng pagkain upang matiyak na si Daniel ang kanilang kakainin.
33. Nang panahong iyon, si Propeta Habakuk ay nasa Judea. Nagluto siya ng gulay at hinaluan ito ng pira-pirasong tinapay. Papunta na siya sa bukid para dalhin ito sa mga nag-aani roon,
34. nang sabihin sa kanya ng anghel ng Panginoon, “Habakuk, dalhin mo sa Babilonia ang pagkaing iyan, kay Daniel na nasa yungib ng mga leon.”
35. Subalit sumagot si Habakuk, “Ginoo, hindi pa po ako nakakarating sa Babilonia at hindi ko alam kung saan ang yungib na iyon.”
36. Hinawakan ng anghel si Habakuk sa buhok, binuhat at simbilis ng hangin na dinala sa Babilonia, sa yungib ng mga leon.
37. Tumawag ng malakas si Habakuk, “Daniel! Daniel! Narito ang pagkaing padala ng Diyos.”