Si Bel At Ang Dragon 1:26-34 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

26. Kung ipahihintulot ninyo, mahal na hari, papatayin ko ang dragong ito nang walang tabak o pamalo.”“Pinahihintulutan kita,” sabi ng hari.

27. Kumuha si Daniel ng alkitran, taba, at mga buhok. Niluto niya ang mga ito, ginawang parang tinapay saka ipinakain sa dragon. Nang malulon ang pagkaing iyon, sumabog ang dragon. At sinabi ni Daniel sa hari, “Kamahalan, iyan po ang inyong sinasamba.”

28. Nang mabalitaan ng mga taga-Babilonia ang nangyari, galit na galit silang nagbanta laban sa hari. “Ang hari ay naging Judio na,” sabi nila. “Sinira niya si Bel at ipinapatay ang mga pari; ngayon nama'y ipinapatay ang dragon!”

29. Pinuntahan nila ang hari at sinabi, “Ibigay mo sa amin si Daniel, kung hindi, papatayin ka namin, pati na ang iyong sambahayan.”

30. Nang makita ng hari na talagang gagawin nga ng mga tao ang kanilang banta, napilitan itong ibigay sa kanila si Daniel.

31. Itinapon nila si Daniel sa yungib ng mga leon, at siya'y nanatili roon sa loob ng anim na araw.

32. Pito ang leong nasa yungib na iyon at bawat araw ay dalawang tao at dalawang tupa ang ipinakakain sa kanila. Ngunit sa loob ng anim na araw na iyon ay hindi sila binigyan ng pagkain upang matiyak na si Daniel ang kanilang kakainin.

33. Nang panahong iyon, si Propeta Habakuk ay nasa Judea. Nagluto siya ng gulay at hinaluan ito ng pira-pirasong tinapay. Papunta na siya sa bukid para dalhin ito sa mga nag-aani roon,

34. nang sabihin sa kanya ng anghel ng Panginoon, “Habakuk, dalhin mo sa Babilonia ang pagkaing iyan, kay Daniel na nasa yungib ng mga leon.”

Si Bel At Ang Dragon 1